Advertisers
Agad na nagpatawag ng emergency meeting si Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso sa City Disaster Risk Reduction and Management Council (CDRRMC) habang patuloy na nakararanas ng malakas at tuloy-tuloy na pag-ulan ang Maynila dahil sa pinalakas na Habagat.
Sa pulong nitong Lunes ng umaga, Agosto 10, inatasan ni Domagoso ang lahat ng sangay ng pamahalaang lungsod na magsagawa ng full mobilization sa iba’t ibang larangan—kabilang ang suplay ng pagkain sa mga evacuation center, paglilinis ng mga kalsada, pamamahala sa trapiko, kahandaan ng pulisya at paghahanda ng mga ospital.
“Alam ko walang pasok ngayon, pero wala namang aasahan ang tao kundi tayong gobyerno,” ani Domagoso.
Inatasan ng alkalde ang Manila Department of Social Welfare (MDSW) na tiyaking tuloy-tuloy ang pagbibigay ng pagkain sa mga evacuee sa apat na aktibong evacuation center ng lungsod.
Inatasan din ang Department of Engineering and Public Works (DEPW) at Department of Environment and Public Services (DEPS) na walang tigil na maglinis ng mga debris o sagabal sa mga kalsada.
“On top of the flooding, this debris may cause also accidents or harm to passersby. Kaya pasabihan na lang yung mga tao natin sa pamahalaang lungsod, pasensya na muna. While it is a holiday or a non-working day, we have to be in the streets of Manila,” pahayag niya.
Inatasan din ni Domagoso ang DEPW na makipag-ugnayan nang mahigpit sa Meralco para agad na maalis ang mga nasirang poste ng kuryente at kable.
Sa ngayon, wala pang naitalang malawakang pagkawala ng kuryente sa Maynila, ayon sa kinatawan ng Meralco na dumalo sa pulong. May ilang isolated na kaso lamang na dulot ng mga debris na bumagsak sa mga linya ng kuryente.
“Mag-jo-joint force tayo with Meralco, basta ligtas lang ’yung tao, kasi mahirap yung kawad pag nasa kalsada,” ani Domagoso.
Samantala, inatasan ang Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) na magpakalat ng mga traffic enforcer sa iba’t ibang bahagi ng lungsod upang tumulong sa mga motorista at pedestrian sa kabila ng masamang panahon.
Inatasan din ni Domagoso ang Manila Police District (MPD) na ilagay sa heightened alert ang lahat ng police station at community precinct upang maiwasan ang mga krimeng maaaring samantalahin ng mga masasamang-loob.
“We will not allow ’tong mga tulisan to take the opportunity na makapamerywisyo. Kasi alam mo pagka malamig ang panahon, baka mamaya maglabasan sa lungga ’tong mga ’to,” babala ng alkalde.
Itinaas din sa mataas na alerto ang lahat ng health center at ospital ng lungsod. Inatasan ang Manila Health Department (MHD) na tiyaking sapat ang suplay ng mga gamot at iba pang kagamitang medikal.
Pinag-ugnay rin ang mga ospital upang makapaglipat-lipat ng resources depende sa pangangailangan at dami ng mga pasyente.
Bukod dito, inatasan ni Domagoso ang lahat ng department head na magsumite ng kanilang ulat pagsapit ng alas-6 ng gabi nitong Lunes upang mapaghandaan ang magiging sitwasyon kinabukasan.
“I need the reporting by 6:00 PM tonight so that we can address whatever will come today in preparation for tomorrow, again the way we did it last night and the other night,” ani Domagoso.
Sinabi rin ng alkalde na pagsapit ng maagang gabi ay magpapasya siya kung muling sususpindihin ang klase sa Martes dahil sa patuloy na epekto ng Habagat.(BP)