Advertisers
Lumabas na sa ‘epidemiological threshold’ ang mga naitalang kaso ng leptospirosis sa Lungsod ng Maynila.
Bunsod nito itinuturing na itong epidemic dahil sa patuloy na pagdami ng naturang kaso.
Sinabi ni Manila OIC-City Health Officer Dr. Grace Padilla kay Manila Mayor isko Moreno-Domagoso na nasa “epidemic condition” na ang pagkalat ng leptospirosis.
Batay sa datos ng Manila Health Department (MHD) na pinamumunuan ni Dr. Padilla, mula sa 1.27% attack rate noong nakaraang linggo, pumalo na ito ngayon sa 3.48%, indikasyon ng mabilis na pagtaas ng kaso sa loob ng maikling panahon.
Aniya nasa full capacity na rin ang ilang city government district hospitals, kabilang ang Ospital ng Maynila, Sta. Ana Hospital at Justice Jose Abad Santos General Hospital dahil sa patuloy na pagdami ng mga pasyente.
Agad namang ipinag-utos ng alkalde na paigtingin ang patuloy na isinasagawang kampanya kontra leptospirosis.
Kabilang dito ang agresibong public information campaign upang maipaalam na mayroong libreng doxycycline capsules sa lahat ng 44 health center at 7 district hospital sa ilalim ng Pamahalaang Lungsod.
Giit ni Domagoso, mabuti nang mismong Pamahalaang Lungsod , sa pamamagitan ng MHD at 896 barangay, ang pumunta sa taumbayan upang mamahagi ng doxycycline sa mga naapektuhan ng pagbaha sa mga nakaraang linggo. (Jocelyn Domenden)