Advertisers
Sa loob lamang ng isang taon mula nang buksan ang Cardiac Catheterization Laboratory ng Ospital ng Maynila Medical Center (OMMC), nakapagsagawa na ang lungsod ng pitong libreng angioplasty at 56 libreng angiogram, ayon kay Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso nitong Huwebes, Setyembre 10.
Pinuri ni Domagoso ang OMMC sa pagdiriwang ng unang anibersaryo ng Cardiac Catheterization Laboratory nito. Pormal itong binuksan noong Setyembre 8, 2025.
Naitala ang ikapitong matagumpay na angioplasty sa isang 70-anyos na lalaking residente ng Maynila, na isinagawa nang walang anumang bayad.
Binigyang-diin ng alkalde ang lumalawak na kakayahan ng ospital ng lungsod na magbigay ng mahahalagang serbisyong pangpuso nang hindi kinakailangang pasanin ng mga pasyente ang malaking gastusin.
Ayon kay Domagoso, tinatayang P975,000 sana ang halaga ng isinagawang angioplasty kung ito ay ginawa sa isang pribadong ospital. Karaniwang umaabot umano sa P800,000 hanggang P1.5 milyon ang gastos para sa naturang procedure.
“Magkano po binayaran ng pasyente natin ngayon? Zero. Literally zero. Walang binayaran. Salamat sa taxpayers ng siyudad,” ani Domagoso.
Ang angioplasty ay isang minimally invasive na pamamaraan upang buksan ang mga barado o masikip na ugat na nagsusuplay ng dugo sa puso. Hindi ito nangangailangan ng open-heart surgery at karaniwang nakakauwi ang pasyente makalipas ang ilang araw.
Iginiit ng alkalde na walang bayad ang angioplasty para sa mga kwalipikadong pasyente sa OMMC, at patuloy na ipagkakaloob ng pamahalaang lungsod ang naturang serbisyo.
“Wala pong bayad ang angioplasty sa ating pampublikong ospital, at tuloy-tuloy po ’yan,” ani Domagoso.
Para mapanatili ang programa at matiyak ang sapat na kagamitan, sinabi ni Domagoso na naglaan ang pamahalaang lungsod ng halos P25 milyon na standby funds para sa pagbili at maintenance ng mga kinakailangang kagamitan.
Kinilala rin ng alkalde ang medical team na nasa likod ng matagumpay na mga procedure, sa pangunguna ni Manila City Health Officer Dr. Grace Padilla, kasama ang mga interventional cardiologist, anesthesiologist, nurse at radiologic technologist.(BP)