Advertisers
Tanging 3,000 estudyante lamang ang tinanggap ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) mula sa mahigit 70,000 aplikante para sa Academic Year 2026-2027 dahil sa limitadong kapasidad ng unibersidad na tumanggap ng mas maraming mag-aaral.
Ito ang inihayag ni PLM President Atty. Domingo Y. Reyes Jr. sa flag-raising ceremony sa Manila City Hall nitong Lunes, Setyembre 28.
Ayon kay Reyes, umabot sa 70,000 ang mga nag-apply sa unibersidad, habang 43,000 ang nakakuha ng entrance examination. Gayunman, 3,000 lamang ang nabigyan ng pagkakataong makapag-aral dahil sa kakulangan ng espasyo at pasilidad.
“Kaya po ngayong taong 2026-2027, nagkaroon po tayo ng 70,000 applicants. 43,000 po ang nakakuha ng entrance exam, at 3,000 lang po ang natanggap natin dahil hindi na natin kayang i-absorb ang accommodation,” pahayag ni Reyes.
Samantala, sinabi ng PLM president na hanggang Setyembre 30 na lamang ang online application para sa susunod na school year, at nasa 65,000 estudyante na ang nakapagsumite ng kanilang aplikasyon.
Humingi rin ng paumanhin si Reyes sa mga aplikanteng hindi matanggap sa unibersidad dahil sa limitadong kapasidad nito.
“Pasensya na po, hindi natin mapagbibigyan lahat ng gustong mag-aral sa PLM,” aniya.
Umaasa naman si Reyes na mas marami pang estudyante ang matanggap sa mga susunod na taon sa sandaling maitayo ang bagong Health Sciences Building na inaasahang magdaragdag sa kapasidad ng unibersidad na mag-enroll ng mas maraming mag-aaral.
“Sana po ay magkaroon pa tayo ng pagkakataon, lalo na po kung maitatayo na ang ating bagong Health Sciences Building na makakadagdag sa dami ng enrollment,” dagdag niya.(BP)