Advertisers

Advertisers

RYZZA MAE MAY DEATH THREATS DAHIL SA P20K

0 26

Advertisers

Ni Beth Gelena

Nababahala ngayon ang pamilya ng Eat Bulaga! host na si Ryzza Mae Dizon matapos makatanggap ng mga email na naglalaman umano ng mga banta sa buhay ng batang TV personality, kasabay ng paghingi ng P20,000 ng hindi pa nakikilalang nagpadala.

Sa Facebook, ibinahagi ng ina ni Ryzza na si Mommy Rizza ang mga screenshot ng naturang mga mensahe na nagdulot ng takot sa kanilang pamilya.



Batay sa mga email, hinihingi umano ng nagpadala ang P20,000 para sa operasyon ng kanyang anak. Kasabay nito, nagbanta rin umano ito laban kay Ryzza kapag binalewala ang kanyang mga mensahe.

Isa sa mga nakababahalang pahayag sa email ang: “balewalain motong sinsabi ko magugulat ka na lang baka sa mga lakad at Bahay mo puntahan kita para itumba.”



Dahil dito, umapela si Mommy Rizza sa nagpadala na itigil na ang pagpapadala ng mga mensaheng nagbabanta sa buhay ng kanyang anak.

“Hindi ko inaasahan na makakatanggap si Ryzza Mae ng ganitong message at picture dahil wala naman kaming kaaway at inaagribyado na tao.



“Sana wag po ganito dahil nakakatakot po makatanggap ng ganitong message at lalo na madalas kaming lumabas. Mag iingat po tayong lahat,” pahayag ng ina ng TV host.

Nagpahayag naman ng pag-aalala ang ilang netizen at iminungkahing humingi ng tulong ang Team Ryzza sa National Bureau of Investigation (NBI) upang matukoy ang taong responsable sa pagpapadala ng mga email.

May mga netizen ding nagmungkahi na siyasatin ang email address na ginamit sa pagpapadala ng mga mensahe.

Sa ngayon, umaasa ang pamilya ni Ryzza na matitigil na ang mga pagbabanta at matutukoy ng mga kinauukulang awtoridad ang nasa likod ng insidente.