BOY ABUNDA, GALIT SA PANGUNGUTYA NG MACHONG CHISMISAN HOSTS KAY JOSH AQUINO, PINADEDEMANDA KAY KRIS!
Advertisers
Ni Anne Venancio
Bumwelta si Boy Abunda sa mga host ng comedy podcast na Machong Chismisan matapos umani ng batikos ang kanilang mga komento tungkol kay Josh Aquino, panganay na anak ng malapit niyang kaibigang si Kris Aquino na may autism spectrum disorder (ASD).
Sa October 14 episode ng Fast Talk with Boy Abunda, dismayado ang King of Talk sa mga pahayag na aniya’y malupit at nakasasakit, hindi lamang kay Josh kundi pati sa iba pang persons with disabilities (PWDs) at kanilang mga pamilya.
Isa sa mga kontrobersyal na banat sa podcast ang komento ni Tito P na ikinumpara si Josh sa kapatid nitong si Bimby.
“Si Bimby sobrang okay na anak, si Josh walang kuwenta, e,” saad sa kumalat na clip.
Nabanggit din sa usapan ang umano’y baon ni Josh na P3,000 kada araw sa pagpasok sa eskuwelahan, na sinundan ng tanong ni Tito P kung nakatunganga lamang ito.
Para kay Boy, hindi dapat ginagawang katatawanan ang kondisyon ng isang tao, lalo na kung may kapansanan.
“Hindi po walang silbi si Josh. Mali po ang inyong ginawa,” diin ng TV host.
Sinabi rin niyang kung hihingi sa kanya ng payo si Kris tungkol sa insidente, irerekomenda niyang dumulog ito sa korte at isaalang-alang ang pagsasampa ng kaso.
“Go to court. Idemanda mo,” pahayag ni Boy.
“Machong Chismisan, congratulations. You’ve got the attention of everybody,” dagdag pa nito.
Matapos ang backlash, naglabas ng pahayag ang Machong Chismisan sa pangunguna ni Makoy Pare at kinumpirmang tinanggal na nila ang Season 29, Episode 20 na may pamagat na “Ang Pagbabalik ni Kris Aquino.”
Inamin ng programa na may mga komentong “inexcusably insensitive and hurtful” o hindi katanggap-tanggap dahil insensitive at nakasasakit.
Inako ni Tito P ang responsibilidad sa kanyang mga sinabi at kinilala ang epekto ng kanyang mga komento kay Josh at sa mga taong may kaparehong kondisyon.
Ibinahagi rin niyang mayroon siyang attention-deficit/hyperactivity disorder (ADHD), na aniya’y maaaring makaapekto sa kanyang impulse control.