Advertisers
Ni ARCHIE LIAO
ISANG movie producer din ang multi-awarded at internationally acclaimed actor na si Allen Dizon.
Katunayan, under his film outfit, he has produced quality films like Paupahan, Marino, Dukot, Magkakabaung, Bomba at Persons of Interest.
Nagprodyus din siya ng series na “Beauty Queens”para sa iWantTV. Sa new normal, wala pa siyang plano kung muling magproprodyus ng pelikula.
“Siguro, ipaubaya muna natin kay Ms. Baby. Hindi muna siguro, siguro, pag nag normal na ang lahat. Hindi muna siguro, kasi wala pang papasok sa mga sinehan ngayon,”pahayag ni Allen.
Sa ngayon, gusto niyang mag-concentrate muli sa paggawa ng pelikula, maliban sa ilang TV series sa GMA 7 tulad ng Agila at First Yaya. Bibida si Allen sa Abe Nida, ang ikaanim na pelikula niya sa BG Films ni Ms. Baby Go na ididirehe ni Louie Ignacio mula sa panulat ni Ralston Jover.
Hirit pa niya, excited daw siya sa role niya sa nasabing obra ni Direk Louie. “Challenging kasi iyong role. Nakaganap na ako ng bulag, ng pipi at battered husband pero hindi ko pa siya na-portray. First time lahat, may sayad, artist o nagdudukit, may love scene, may masturbation scene at maglalakad ng hubu’t hubad, so bagong challenge siya sa akin,”kuwento niya.
Bagama’t nakasama na niya noon sa teleseryeng ToDa One I Love, never pa raw silang nagka-eksena ni Katrina Halili kaya naman happy siya na makakatrabaho ito sa pelikula.
Dagdag pa niya, aprub daw siya na ito ang kanyang maging leading lady.
“Sexy naman si Katrina. Nakikita ko sa kanya iyong maturity. Siya ring iyong nakikita ko na sakto sa role,” paliwanag niya.
Kahit may love scene sila sa pelikula, feeling niya ay magiging kumportable naman sila sa isa’t isa.
“Ready na ako sa love scenes. Ready na akong i-feel pero hindi ko puwedeng namnamin. Pati iyong masturbation, kasama naman iyon sa trabaho dahil nasa iskrip, so, kasama siya sa pagiging propesyunal natin,”esplika niya.
Sey pa niya, excited din siya dahil makakasama niya sa pelikula ang dalawa sa pinagpipitaganang direktor ng bansa: sina Joel Lamangan at Laurice Guillen.
“Sila kasi iyong laging nasa director’s chair tapos sila naman iyong makaka-eksena ko, so, talagang bago siya sa akin at iyon ang hamon,” ani Allen.
Dahil nalalapit na ang eleksyon, nilinaw naman ni Allen na wala siyang planong pumalaot sa pulitika.
“Wala pa akong planong mag-pulitika pero may mga nagpaparamdam. Feeling ko hindi pa ako hinog, kasi pag pumasok ka sa pulitika, ang hirap kasi kung ipagsasabay-sabay mo ang oras mo. Hindi ko rin kayang i-sacrifice ang time ko sa family ko. At kung papasok man, nangangailangan talaga siya ng masusing paghahanda,” pagtatapos niya.
Ayon naman sa Queen of Independent Films na si Ms. Baby Go, bagama’t naudlot ng pandemya ang paggawa niya ng indie films, nagbabalik siya ngayong taon dahil naroon pa rin ang marubdob niyang layunin na makatulong na maibangon ang movie industry na pinadapa ng pandemya.
“Siguro, ang nakikita ko na lang na pagbabago ngayon ay kung saang pormat siya maipapalabas. Pero iyong paggawa at pagtratrabaho, wala namang pinagkaiba dahil nasa atin na iyon. Kumbaga, nasa diskarte na natin iyon,” ayon kay Ms. Baby.