Advertisers
Ni GERRY OCAMPO
TANGGAL na sina Janno Gibbs at Kitkat sa Happy Time at malabo nang makabalik pa ang dalawa dahil kasama na ang larawan at pangalan ni Dingdong Avanzado sa poster ng Net 25 na host ng noontime show.
May pahulaan pa noon kung sino ang papalit kay Janno at may tumama at mayroon din naman nagkamali at umasa na makababalik pa ang actor/singer/comedian.
Si Boobsie Wonderland naman ang ipinalit kay Kitkat na matatandaang inalis din kasabay ni Janno sa noontime show dahil sa nangyaring away ng dalawa na umabot pa sa online dahil sa game show segment.
Halos hindi naman nagkakalayo sina Janno at Dingdong dahil pareho silang magaling na singer at si Boobsie naman ay sanay na rin mag-host at magaling din na komedyante, bukod pa sa magaling kumanta.
Well, sinayang nina Janno at Kitkat ang pagkakataon na magkaroon ng project sa panahon ng pandemic.
***
WALA na raw dapat pang gawing pakulo si Derek Ramsay para pag-usapan at tangkilikin ng masa. Kahit na ano pa raw ang gimik nito sa buhay ay dedma na ang mga netizen.
May pagkakataon pa na inis at hindi awa ang nadarama nila sa actor na mahilig lang daw makipagdyowa pero kapag nagsawa ay kakalas na sa relasyon.
Grabe pa ang sinabi ng isang netizen na baliw na lang daw ang papatol sa actor na walang paninindigan pagdating sa relasyon.
Dapat nga raw magpasalamat ang mga nakarelasyon ng actor na nakakalas dito dahil kung nagkataong nabuntis pa sila ay kawawa naman ang kanilang naging anak.
Well, sana raw ay magbago na si Derek dahil totoo ang karma at darating ang araw na makakatagpo rin ito ng katapat.
***
DAHIL sa pagdami na naman ng nahahawa ng Covid-19 ay marami ang natatakot magtrabaho. Gano katotoo na marami na raw ang nai-infect sa lock-in taping pero hindi nababalita dahil inililihim at walang nagsasalita.
Ayon sa source ay dalawang actor daw ngayon ang naka-quarantine dahil sa Covid-19.
Mayroon din daw isang cameraman ng isang network ang namatay dahil din sa pesteng virus at dalawa pa raw ang nahawa.
Dahil na rin sa patuloy na pagtaas ng nagpa-positive sa Covid-19 ay may taping na nakansela.