Advertisers
SA kasaysayan ng ating bansa, mula sa pagkatatag ng ating Republika ay wala kahit isa mang pangulo ang nakatuntong sa Oxford University, Great Britain at Cambridge University sa United Kingdom, upang maging panauhing pandangal.
Simula sa Pangulo ng Rebolusyonaryong Pamahalaan ni Emilio Aguinaldo, hanggang sa Administrasyon ni Presidente Rodrigo Duterte, ay walang Pilipinong napag-ukulan ng mataas na pagkilala sa dalawang nabanggit na unibersidad lalo na bilang panauhing tagapagsalita.
Sa 16 na naging lider ng Republika ng Pilipinas na pawang may kanya-kanyang katangian ay wala isa man sa kanila ang naanyayahang tumuntong sa Cambridge at Oxford University.
Wala ring sinumang pulitiko, imbentor, paham sa matematika, agham, at iba pang larangan ng edukasyon o dili kaya ay isang pilosopo na nagmula sa ating lahi ang pinahalagahan ng naturang mga institusyon at idambana sa kanilang podyum para magbahagi ng kanyang pananaw sa buhay at magsilbing inspirasyon ng kanilang mga estudyante.
Iisa lamang Pinoy ang nakagawa nito, hindi siya kabilang sa mga henyo at tradisyunal na pulitiko, sa halip ay kung tagurian ay ignorante, may mababang IQ, kulang na lang ay sabihing isang bobo pagkat isa lamang itong dating panadero, estibador, kargador at nagmula pa sa pamilyang mahirap pa sa pinakamahirap.
Ang hindi nagawa ng mga Pangulo ng ating Republika, tulad nina Aguinaldo, Manuel Quezon, Jose Laurel, Sergio Osmena, Manuel Roxas, Elpidio Quirino, Ramon Magsaysay, Carlos Garcia, Diosdado Macapagal, Corazon Aquino, Ferdinand Marcos, Fidel Ramos, Joseph Estrada, Gloria Macapagal Aroyo, Benigno Aquino III at maging ng kasalukuyang Pangulong Duterte ay nakamit ng isang Emmanuel Dapidran Pacquiao.
Lahat na naging presidente ng Pilipinas ay pawang may matataas na pinag-aralan, may ekonomista, militar, mangangalakal, manager ng kompanya, abogado at may propesyong tinitingala sa lipunan, ngunit di nila napantayan ang narating ng isa lamang Emmanuel P. Pacquiao.
Hinahamak, pagkat isang probinsyano lamang mula sa Bukidnon, lumaki sa isa sa pinakamahirap na bayan sa Pilipinas na Sarangani, South Cotabato at naging isang Manny “Pacman” Pacquiao na naging 8- Division World Boxing Champion.
Ang katanyagan ni Pacquiao bilang boksingero ang naghatid sa kanya sa political arena, kaya dalawang ulit itong nahalal na kongresista. Nang tumakbo naman ito bilang senador ay nanalo din dahil sa suporta ng malaking hukbo ng kanyang tagahanga.
Lalong tiningala si Pacquiao nang magawa nito ang hindi nagawa ng mga naging pangulo ng bansa, mga tanyag at mararangal na mamamayan at ng sinumang Pilipino.
Noong Nobyembre 5, 2018 yumapak si Pacquiao sa pedestal at nagsalita sa podyum ng Oxford Union, Frewin Court sa Oxford University, sa bansang Britanya. Labis ang paghanga at papuri kay Manny Pacquiao nina Oxford President Hovart, mga opisyales ng Oxford Onion at piling-pili at pinakamatatalinong mag-aaral sa mundo.
Nasundan pa ang speaking engagement ni Pacquiao sa Cambridge University sa United Kingdom noong November 6, 2018, kung saan ibinahagi nito ang kanyang pakikitalad mula sa kahirapan tungo sa tagumpay, kung paanong ang isang tulad niyang kung tawagin ay isang taong “mahirap pa kaysa daga” ay nakasalamuha at naibahagi ang kanyang karanasan sa mga pinagpipitagang dignitaryo , opisyales at miyembro ng Cambridge Union at mga estudyante ng Cambridge Univeristy sa United Kingdom.
Totoo naman ang pananaw ni Pacquiao, sa pamamagitan ng edukasyon, matatag na determinasyon at taimtim na paniniwala sa Maykapal ay kayang baguhin ang takbo ng buhay at maging ng daigdig.
Sa kanyang dalawang magkahiwalay at makabuluhang talumpati ay naibahagi din nito sa mga banyagang mag-aaral at iba pang tagapakinig ang kanyang pangarap na maging Pangulo ng Pilipinas sa 2022 at mapaglingkuran ang kanyang mga kabababayan.
Ganun na lamang ang paghamak ng kanyang mga kritiko kay Pacquiao pagkat elementarya pa lamang ang natatapos nito nang lumuwas ng Maynila para makipagsapalaran.
Isa na itong propesyonal na boksingero nang makapagtapos ng kanyang pag-aaral sa sekondarya sa pamamagitan ng Alternative Learning System (ALS). Dahil sa pagpapahalaga sa edukasyon sinikap din ni Pacquiao na matapos ang kanyang kurso sa kolehiyo.
Alam ng kanyang mga kababayan na kayang abutin ni Pacquiao ang kanyang mga pangarap,kung matutuhan lamang nitong kilalanin ang mga taong nakapaligid sa kanya at maiwasan ang mga taong di makakatulong sa halip ay magbibigay pa ng negatibong imahe. Kailangan ni Pacquiao ay ang mga taong may magandang reputasyon, hindi mga sugarol, hindi rin babaero at lalo ay hindi korap.
Si Ex-President Josep “Erap” Estrada ay napatalsik bilang Pangulo ng bansa sa alegasyong korap at protektor ng jueteng, pagkat nagtiwala ito at ipinahamak ng malalapit niyang kaalyado.
Tiyak na susuportahan din si Pacquiao ng hukbo ng kanyang tagahanga kapag itinuloy nito ang kanyang pangarap na tumulong sa kanyang mga mamamayan. Tiyak na mananalo ito kung wala sa kanyang likod ang anino ng admistrasyon at pulitikong isinusuka ng mamamayan.
Kailangang din ng ating “Pambansang Kamao” na maging matigas na manindigan laban sa pag-angkin ng mga Intsik at ni Xi Jen Ping sa West Philippine Sea. Hindi rin dapat itong patukso sa pang-eengganyo at udyok na maging korap at sugarol na katulad ng ilang pulitikong nakadikit dito.
Hindi kailangan ni Pacquiao ng salaping suporta ng mga Intsik, hindi rin nito kailangan na napaliligiran ng mga pulis at militar na body guard, ang kailangang ng isang Pacquiao ay ang tunay na protektor nitong sambayanang Pilipino.
Likas ang tapang ni Pacquiao at naipamalas nito sa ibabaw ng lonang parisukat, katapangan na kanyang tataglayin sal arena ng politika. Hindi ito pasisindak sa mga pagbatikos ng mga bayarang propagandista at lalong di pasisindak sa pananakot at pagmumura ng kapwa nito pulitiko.
Malaki ang pananalig ng masa kay Pacquiao na kaya nitong muling iangat ang nalugmok na ekonomiya ng bansa at ibalik sa mamamayan nito ang dignidad, at paggalang ng mga mamamayan ng ibang nasyon, sa lahing pinapangit ang imahe ng ilang mga namumuno nito.
***
Para sa komento: Cp # 09293453199 at 09664066144, email: sianing52@gmail.com