Advertisers
IAANGAT ng Philippine Sports Commission (PSC) ang ika-11 session ng National Sports Summit 2021 tampok si Filipina powerlifting icon Adeline Dumapong-Ancheta na magsasalita tungkol sa para athletes at ang kinapapalooban ng sports ngayong Abril 28.
Ang 4-time Asian Para Games silver medalist at 7-time ASEAN Para Games gold medalist ay ibabahagi ang kanyang papel bilang parte ng Philippine Paralympic Committee (PPC) na ang adbokasiya ay para sa kapakanan ng para athletes.
Bilang unang Filipino na nakapitas ng medalya sa Paralympic Games noong 2000 at kinatawan pa ang bansa sa Athens (2004), Beijing (2008), London (2012), at Rio (2016) editions, tumulong din si Dumapong-Ancheta sa lobbying ng Republic Act 10699 o National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act na nalagdaan noong 2015.
“She is one of our most accomplished athletes who never relinquished their causes, especially in the area of inclusivity and disability. It is a must for this sports summit to include our para athletes who play a big role in Philippine sports,” wika ni PSC Chairman William Ramirez.
Si Dumapong-Ancheta, na may timon sa musical performing group na Rondalla On Wheels, board member din ng Tahanang Walang Hagdanan sa Cainta, Rizal, ay naglalayong ma-inspire ang 800 na nagpatala sa naturang summit hinggil sa kanyang pagiging para-athlete.
Ang National Sports Summit 2021 ng PSC ay seryeng lingguhan na nakasentro sa sports lecture fora via Zoom video conferencing platform kada-Miyerkules mula 1 pm hanggang 3 pm.(Danny Simon)