Advertisers
Ni NONIE V. NICASIO
HANDANG-HANDA na ang businessman/actor na si Franco Miguel sa pagpapatuloy ng shooting ng pelikulang Balangiga 1901 na mula sa JF Film Production ni Ms. Jarrimine Fortuna.
Base sa nakita namin sa kanyang social media account, nagpakondisyon nang husto si Franco para sa mahahalagang eksena na kukunan sa naturang pelikula na pinamamahalaan ni Direk Danny Marquez.
Kuwento sa amin ni Franco, “Bale this coming June 11 ay naka-schedule ang swab test ko, tapos ay sa June 18 na ang shooting ko. Tatapusin na namin iyong Balangiga 1901 dahil alam naming marami na ang nag-aabang dito.
“Ang location ng aming shooting is sa San Rafael, Bulacan.”
Esplika pa ng actor, “Marami na ang excited sa movie na ito, this is a historical movie kaya talagang dapat mapanood ng mga Filipino.
“The highlight of the film is kung paano naipagtanggol ng mga Filipino sa sarili nating lupain ang ating dangal at kalayaan sa mga kamay ng mananakop na Amerikano at ang halaga ng Balangiga bells sa history ng ating bansa.”
Ang Battle of Balangiga ay isang historic event at itinuturing na one of the bloodiest encounters noong panahon ng Philippine-American war na naganap noong 1899-1902. Dito kinuha ng mga Amerikano ang tanyag na Balangiga Bells na noon pang 1958 hinihiling na maibalik sa bansa.
Dahil mas abala ngayon si Franco bilang businessman, paano niya nahahati ang oras niya sa kanyang passion at first love, which is acting?
Esplika niya, “As a businessman and an actor, napagsasabay ko naman siya basta scheduling lang nang maayos talaga. Pero of course, mas priority ko talaga is my business as a contractor.”
Ayon naman kay Direk Danny, “Makatotohanan at may-aral na matututunan ang lahat ng makakapanood ng aming pelikula.”
Ang budget ng pelikula ay P80 milyon at dito’y ire-recreate nila ang eksaktong replica ng Balangiga town noong 1901.
Ayon pa sa direktor ng naturang pelikula, ang scope nito ay kasing laki ng pelikulang Heneral Luna ni John Arcilla. Kaya kaabang-abang talaga ang pelikula.
Tampok sa Balangiga 1901 sina Ejay Falcon, Jason Abalos, Richard Quan, Mark Neumann, Lala Vinzon, Emilio Garcia, Jao Mapa, Ricardo Cepeda, Marina Benipayo, Chuckie Dreyfuss, Ramon Christopher, Jeffrey Santos, Rob Sy, Jervy delos Reyes, Nicole Dulalia, at iba pa.