Advertisers
Iba ang Tagalog sa Filipino, ganun?
Hindi mahapayang-gatang, marubdob, haliparot, salamisim, panganorin, wating-wating, irog, diwata, papag, durungawan, banga, sapin-sa-paa, at iba pang katulad ay Tagalog.
Titser, traysikel, kudeta, selpon, t-shirt, bolpen, jeepney, siomai, empanada, pandesal, plato, kutsara, kama, sapatos, haiskul, college, university, frigidaire, electric fan, at iba pang katulad ay Filipino.
Mga salitang English, Espanyol, Mandarin na inispeling o isinalin sa Tagalog pati ang pagbigkas at karaniwang ginagamit sa araw-araw ay Filipino.
Ang Tagalog ay nakakulong sa mahigpit na batas sa pagbigkas, pagsulat, pagbaybay sa gramatika o balarila.
Ang Filipino ay ang buhay na buhay na pinalakas, pinalawak, pinaunlad na Tagalog salig sa mga umiiral na wikang dayuhan at katutubo sa sa Pilipinas.
Mas mayaman sa bokabularyo ang Filipino kaysa sa Tagalog.
Malayang naipapasok sa Filipino ang maraming wikang Ingles, Kastila, Italyano, Franses, Latin, Chinese at iba pa at mga salitang mula sa iba pang wikain sa Pilipinas.
Dati sa Tagalog ay wala ang mga letrang c, f, j, ñ, q, v x, at z.
Umiiral lamang ang mga ganitong malayang paggamit sa Tagalog ng mga letrang ito sa pangalan ng tao (Felipe, Xavier, Jose) at lugar (Quiapo, Davao, Zamboanga, Ifugao, Cordillera, Rizal, Quezon) at iba pa.
Ire-rewrite, sexy, inlab, misu, okray, getsing mo, at mga katulad na salita, kasama ang mga salitang binaligtad tulad ng, lodi (idol), wapog (mula sa guwapo), yorme, etneb, yosi (pinaikling sigarilyo), at mga salitang taglish, mis nau, angry ako sau, petmalu at iba pa — ang mga ito ay Filipino.
Napansin ba nyo sa hearing ng Senado at Kongreso tungkol sa korapsiyon sa PhilHealth, mas naiintindihan ng mga tao kung ang ginagamit na salita ay Filipino.
Mas mabagsik ang salitang Filipino sa wikang dayuhan: mas matalab, mas mabagsik ang murang putang-ina-mo, kaysa fuck you.
Ibang-iba ang wikang Pambansang Filipino.
***
Kaya napakaunlad ng English dahil “notorious” ito sa panghihiram ng ibang wika, at ganap na inaangking sarili at mas pinayayabong at binibigyan ng sariling tibay at kahulugan, ayon sa kanilang pangangailangan.
Noon sa Indonesia, nagbuo siya ng isang lupon na inatasang ipunin ang lahat ng magagamit at mauunawaang wikang katutubo, kasabay ang paglikha ng ibang wika at ito ay tinawag na Bahasa Indonesia.
Sa simula ay maraming tumutol sa katwirang mahirap na maintindihan at maunawaan pero ipinagpatuloy at ngayon, makaraan ang maraming taon, isa itong buhay na buhay na wikang Pambansa sa Indonesia.
Tinangka itong gawin sa ating bansa, pero marami ang tumutol at sinabing ang wika nila sa rehiyon ang dapat na maging batayan ng wikang Pambansa; may mga tumutol sa paglikha ng mga bagong termino sa dahilang mahirap nang bigkasin at maintidihan.
Dahil dito, naging makupad ang paglago ng ating wikang Filipino.
Mas pabor ang marami na gamiting wika ang English kaysa Filipino sa mga opisyal na komunikasyon at talastasan sa mga ahensiya ng gobyerno at pribado, lalo na sa negosyo, edukasyon, siyensiya at teknolohiya.
Mahalaga ang iisang wikang tinatangkilik at nauunawaan ng bawat mamamayan, tulad sa Japan, China, Korea, Taiwan at iba pang bansa na ikinararangal, ipinagmamalaki ang sariling wika, saan mang panig ng mundoi at kasabay naman ay pinalalakas ang kakayahan at kasanayan sa wikang English na ngayon ay kinikilalang pandaigdigang wika ng lahat ng bansa.
Palakasin natin lagi na, hindi lang tuwing Buwan ng Wikang Filipino ang ating wikang pambansa.
Gawin natin ito sa araw-araw at napakalaki ng papel rito ang malayang pamamamahayag na binubukalan ng dalisay na diwa ng mamamayan.
Sa malalayang pagpapahayag, magagamit ang wikang Filipino sa pagsisiwalat ng katiwalian, pagwawasto ng mga kamalian, at pagbuo ng isang aksiyon para sa pakinabang at kagalingan ng bansa.
Isang hakbanging dapat na gawin ay umpisahan ang maramihang pagsasalin ng mga batas at iba pang talastasan sa wikang Filipino; at isabay ang paglikha ng mga bagong terminolohiya at mga salita na magagamit sa edukasyon, komunikasyon, negosyo at iba pang uri ng maayos na talastasan.
Mabisa ang Filipino sa paglalahad at pagsasabi ng nais nating ihatid sa kapwa, at ituloy din natin ang paggamit ng wikang English bilang sandata rin natin sa malaya at mabisang ugnayan sa mga dayuhan at sa ugnayan sa mundo.
Mahalaga ang pambansang wika sa ekonomiya, edukasyon, at pamamahayag, sining, panitikan, dula, pelikula, musika, at iba pang pagtatanghal, at mabisa rin ito sa pagtatala ng mahahalagang ganap sa kasaysayan ng ating lahi at bansa.
Araw-araw, hindi lamang ngayon natin itanghal ang ating Wikang Filipino.
Palakasin natin sa puso, diwa at kilos ang pagmamahal at pagpapalago at pagpapatibay ng ating bukod tanging wika: Ang Wikang Filipino.
***
Para sa inyong suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.