Advertisers

Advertisers

ANIBERSARA – PART 2

0 773

Advertisers

Ni ATTY. NICK NANGIT

PANGATLO, may mga PDRs din na inilabas ang katol na hindi naman matukoy kung sinu-sino ba ang mga may-ari. Hindi rin imposible, ayon sa TWG, na maging may-ari ng mga ito ang mga dayuhan na, bagama’t may mga limitasyong nakalagay sa kasunduan, maaari pa ring kontrolin ang pamamalakad mismo ng katol na siyang ipinagbabawal ng Saligang Batas.

May tinatawag kasing beneficial ownership sa ilalim ng ating batas at kasama sa mga karapatan ng pagiging may-ari ay ang pagpapasya sa maraming bagay na may kinalaman sa pamamalakad.



Pang-apat, may mga paglabag din sa karapatan ng mga manggagawa, dahil may mga tinanggal sa trabaho na walang dahilan at hindi pa nabayaran ng wasto. Hinabla pa nga nila ang katol at lumabas sa isang desisyon ng Korte Suprema na pinagbabayad ang katol ng tamang pasweldo at mga danyos.

At lalong hindi 11k ang nawalan ng trabaho. Inimbento lang yan ng katol at mga galamay nito, dahil isinama sa bilang ang mga independent contractors at free lancers na hindi naman nila empleyado. Malinaw na may panlilinlang. Lalong pinagdudahan ang katol ng 70 mambabatas.

May mga iba pang paglabag na naungkat.

Kahit na nagkaroon pa ng pagsang-ayon ang NTC sa mungkahi ng Senado, ito ay labag din sa batas, anya ng OSG, dahil walang kapangyarihan ang NTC na sumang-ayon at palitan ang prangkisa ng simpleng permiso. Ang Senado ay bahagi lamang ng Kongreso. Hindi Kongreso ang Senado.

Kahit nagpahayag pa ang iba’t ibang sangay ng pamahalaan na walang mga pending na kaso sa kanilang mga tanggapan, hindi ibig sabihin na walang paglabag ang katol. Halimbawa, hindi sinabi ng SEC na tumutupad ang katol sa lahat ng alituntunin. Ang sinabi lang nito ay wala silang impormasyon pang natatanggap na may paglabag ang katol. Kung sakaling may maghain man ng reklamo na may kinalaman sa rehistrasyon nito bilang isang korporasyon, saka kikilos ang SEC. Ganun din ang BIR. Nakapagbabayad nga ng buwis ang katol at mga kaalyado nito sa mga nakaraan na taon, subali’t maaari pa ring magkaroon ng Karagdagang Assessment sa loob ng 5 hanggang 10 taon, lalo na kapag may panloloko o fraud na naganap.



Kahit pa matagal nang nasa ere ang katol, hindi kailanman nagiging karapatan ang pribilehiyo. Walang poreber. Hindi maaaring ipawalang-saysay ng katol ang mga nakasulat sa Saligang Batas na dapat sundin ng lahat ng nabibigyan ng prangkisa.

Bukod dito, may batas din tayo (PD 576-A) na nililimita ang saklaw ng lahat ng mass media, para hindi nito makontrol ang kaisipan ng mga tao at para manatili ang kalayaan sa pamamahayag. Lumitaw sa pagdinig na labis-labis sa bilang ng mga estasyon ang naitayo ng katol sa buong bansa na lumabag na pala sa batas na yan. Kung bakit at paano nangyari ito ay dahil nga may tila naganap na mga nakatagong lihim at kinakailangan pang busisiin at panagutin ang mga nagpahintulot o nagpabaya sa pamahalaan mula sa panahon ni Cory hanggang kay Noynoy.

Walang kinalaman ang Pangulong Duterte sa Kongreso. Ang pahayag niya noon na hindi niya papayagan ang katol na magkaroon muli ng bagong prangkisa ay pagpapahayag ng sariling saloobin lamang, dahil nga hindi inere ng katol ang kanyang political campaign ads na bayad na. Kahit sino, madidismaya talaga! Kahit ba kaalyado pa niya ang mayorya sa Kongreso, may sariling isip ang mga mambabatas. Hindi sila tau-tauhan, gaya ng ipinipinta ng mga kumikiling sa katol. Kita naman sa mga pagdinig ang pagbusisi nila na hindi talaga masagot ng katol at paliguy-ligoy pa. At saka, prerogatibo ng Pangulo kung lalagdaan niya ang bawa’t panukalang ihahain sa kanyang opisina. Lagi namang pinag-aaralan ng Pangulo ang mga ito, kagaya ng pagtutol niya sa ilang mga probisyon ng mga batas na TRAIN at CREATE. (ITUTULOY)