Advertisers
Ni ARCHIE LIAO
IBINAHAGI ni Robin Padilla ang kanyang naging karanasan bilang delivery rider kamakailan.
Matatandaang ang aktor ang nagsisilbing delivery rider minsan ng mga pagkaing inoorder sa kanyang misis na si Mariel Rodriguez ng mga customer nito.
Ani Robin, hindi raw biro ang trabaho ng isang delivery driver.
Saludo raw siya sa mga ito dahil mga frontliner ito sa panahon ng pandemya.
Kaya naman, nakaka-relate siya sa hirap na pinagdaraanan ng mga ito mapaulan man o maaraw.
Kamakailan, nang subukan daw niya ito, nakaramdam daw siya ng pagkahilo dahil sa matinding sikat ng araw.
Nag-shoot din daw ang blood pressure niya sa 140/100 kaya minabuti niyang pumunta sa emergency room ng New Era General Hospital.
Pagkatapos ma-check up at na-diagnose na okey naman ang vital signs niya, nagpahinga raw siya ng isang oras sa ospital bago nag-resume sa kanyang trabaho bilang delivery driver.
Ito ang teksto ng mensahe niya sa kanyang Instagram account.
“Isang malalim na pagpupugay sa mga delivery riders. Sa sobrang babad sa init kanina nahilo ako kaya kagyat ako nagpunta sa new era general hospital at nagpa check up. Normal naman ang lahat ng vital signs ko hindi lang ang BP ng 140/100 ako. Napakahirap ng trabaho ng mga delivery riders. Babad sa init at usok tapos biglang uulan. Makaraan ang kulang isang oras pagkatapos ko makatulog sa emergency room ok na ako uli. Resume ng agad ng delivery,” ani Robin.
Marami namang supporters niya ang natuwa dahil ligtas na ang kanilang idol.
Maalaalang naging kontrobersyal ang aktor nang sabihin nitong wala siyang naipon dahil ang kanyang pinagtratrabahuhan ay napupunta sa kawanggawa.