Advertisers
Ni ARCHIE LIAO
MARAMI ang nag-abang sa naging tsikahan nina Jessy Mendiola at Enchong Dee nang maging panauhin ang huli sa vlog ng aktres sa episode nitong “Mukbang and Bukingan with Enchong”.
Sa kanilang tsikahan, maraming naisiwalat na sikreto ang chinito actor sa bukingan episode ng vlog.
Ani Enchong, totoong nagkaroon daw siya ng crush sa kanyang mga naging leading ladies.
Katunayan, sa mga leading ladies daw niya, laging niyang hinahanap ang mga katangian na maa-attract siya sa mga ito na kanya namang nagagamit para mapabuti ang kanyang craft bilang actor.
Hindi naman niya ikinaila na crush niya si Shaina Magdayao.
May mga pagkakataon nga raw na laging niyang nami-miss ito at humahanap siya ng paraan para lang makausap ito.
Aniya, hindi raw naman ito lihim dahil alam daw ito ng aktres.
Gayunpaman, tulad ng ibang leading ladies niya, nananatili raw silang matalik na magkaibigan.
Tungkol naman sa mga nagsasabing kuripot siya, maiintindihan daw naman ng mga tao ang ginagawa niyang pagsusumikap dahil ang pagtratrabaho daw niya ay hindi lamang para sa sarili kundi pati na sa pamilya niya.
Dagdag pa niya, binibigyan lang daw niya ng halaga ang hard-earned money niya kaya masasabing masinop siya pagdating sa pananalapi.
Sa social media, tatlong bagay daw ang hindi niya ibinabahagi: ang kanyang mga problema, ang kanyang pananalapi at ang kanyang mga relasyon.
Naging panuntunan daw niya ito dahil gusto niyang maging pribado sa mga aspetong ito.
Tungkol naman sa tsismis o isyu tungkol sa kanya, turnoff daw siya kapag may kumakalat na rumors na na-involved siya o meron siyang sugar mommy o kayaý gay benefactor.
Sey niya, hindi puwedeng mangyari iyon dahil malaki ang pagpapahalaga niya sa kanyang self-worth.
Malaki rin daw ang respeto niya sa kanyang mga pinaghihirapan.
“I have high respect for my hard work and professionalism. Iyong mga indecent proposal…hindi ko siya ma-take. I don’t need anyone’s money. It’s something na nakakadiri sa akin,” ani Enchong.