Advertisers
LINGGOHAN na nga lang lumalabas ng kanyang kulambo, gabi pa kungsaan natutulog na ang mga tao, tapos ang iaanunsyo lamang ay ang pagsira sa isang mahusay na alkalde sa buong bansa.
Oo! Nitong Lunes ng gabi ay muling nagpakita sa publiko si “Tatay Digong”, hindi para ianunsyo ang mga da-pat gawin sa pag-distribute ng mga ayuda sa mga lugar na isinailalim uli sa lockdown o Enhanced Community Quarantine (ECQ) kundi para wakwakin si “Yorme” (Manila Mayor Isko Moreno)
Ito kasing si Yorme ang numero unong banta laban sa kung sinong iendorso ni Tatay Digong sa pagka-Pangulo sa 2022 elections. Lumalabas kasi sa kahit anong surveys, kahit pa-survey pa nila, na si Isko na ang nangunguna, kahit wala pang deklarasyon kung tatakbo ngang presidente ang dating basurero mula sa Tondo.
Dalawa lang ang pinagpipilian ni Digong na iendorso pagbaba niya ng trono next year, kung hindi ang anak niyang si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio ay ang long-time aid niyang si Senador Bong Go.
Alin man kasi ang manalo kina Sara at Bong Go ay siguradong safe si Tatay Digong sa anumang kaso na isasampa laban sa kanya ng mga penerwisyo nya in his term. Hehehe…
Sa kanyang mga bagong banat kay Yorme nitong Lunes ng gabi, sinabi ni Tatay Digong: “Iyan ang gusto ninyo? Ang training para lang, para lang call boy. Naghuhubad, nagpi-picture, naka-bikini tapos ‘yung garter tinatanggal niya, hinila niya tinitingnan niya ‘yung… Dapat nagsama sila ni ano, ni (Jim) Paredes. Nakita ko nga sa Facebook kanina, lahat ng naka-bikini ang gago tapos may isang picture pa doon na sinisilip niya ‘yung ari niya.”
Hindi man tinukoy ni Digong kung sinong indibidwal itong winawakwak niya, batid natin na ito’y si Yorme.
Eversince naman hindi itinatanggi ni Yorme na siya’y diskubre ng mga bading, lumalabas sa mga indie film, nagmula sa squatters area sa Tondo at dating kumakain ng mga itinapong tira-tira mula sa mga restoran. Pero siya’y nangarap, nagsikap hanggang sa mapasok sa mundo ng showbiz at politika. At ngayon nga’y isa na siya sa pinamakahusay na alkalde sa buong bansa.
Para sa kaalaman ng lahat, ang Maynila palang ang nakapagbakuna kontra Covid-19 ng higit 80 percent ng higit 2 milyong residente ng lungsod. Kung hindi nga lang siguro tumatanggap ang Maynila ng taga-ibang lugar na nagpapabakuna sa lungsod, malamang ay siyento porsiyento nang bakunado ang Manilenyo. Mismo!
Bukod sa mabilis na roll out ng vaccinations sa Maynila, may monthly food packs pang ipinamamahagi sa bawat pamilya ang LGU at tuluy-tuloy ang monthly allowance ng mga estudyante sa mga pampublikong unibersidad ng Maynila kahit online class. Pati mga senior ay may suplay na gatas, Ensure!
Ito ang mga bagay na nagustuhan ng mamamayan kay Yorme. Kaya siya ngayon ay nangunguna na sa mga survey para presidente sa 2022.
May banta pa si Digong kay Yorme. Hindi niya raw ito bibigyan ng power to distribute, ‘yung ayuda. “Simply because in so many instances, they cannot organize.”
Sa totoo lang, mga pare’t mare, ang Maynila ang may pinaka-epektibong response sa higit isang taon nang pandemya ng Covid-19. Hindi yata alam ni Digong na binigyan ng DILG ng Certificate of Recognition si Yorme sa “efficient and timely completion” ng distribution ng AYUDA sa constituents nitong Hunyo 30, 2021.
Obviosly lumalabas nalang si Digong para wasakin ang mabi-gat na makakalaban ng kanyang iendorso para sa pagka-pangulo sa 2022. Mismo!