Advertisers
NAMAHAGI si Senator Christopher “Bong” Go ng mga bisikleta, sapatos at computer tablets sa Wowowin fans o participants, sa kahilingan na rin ni TV host Willie Revillame.
Sinabi ni Go na patuloy siyang mamamahagi ng ayuda o suporta sa mga Filipino na labis na naapektuhan ng pandemya.
Sa video clip ng television show, lubos na nagpasalamat si Willie Revillame sa kabutihan ng senador sa mga ibinigay niyang donasyon na ipamamahagi ng Wowowin.
“Napadala po (ni Senator Bong Go) sa Will Tower ‘yan. Sabi n’ya, kung kulang pa, ang naisip ko riyan, ‘yung mga kababayan natin, kasi nga ECQ, walang pamasahe, ipamigay natin sa mga nagta-trabaho,” ayon kay Revillame.
“Kapag kulang pa rin po, mamimigay pa po tayo kaya maraming salamat kay Senator Bong Go,” idinagdag ng host.
Ayon kay Go, dahil sa social distancing measures, marami pa rin tayong mga kababayan na nahihirapan sa pagsakay sa mga pampubikong sasakyan.
Kaya upang hindi mahirapan sa pagbiyahe ang ating mga kababayan lalo sa pagpasok nila sa trabaho ay namamahagi si Sen. Go ng mga bisikleta na magagamit bilang alternatibong tranportasyon ng mga benepisyaryo.
Hinimok din niya ang mga local government units na magtalaga ng bicycle lanes na may markings, road safety signs, ilaw at iba pang safety measures, sa pakikipag-ugnayan sa concerned government agencies.
“This is both to encourage more people to use bicycles as an active mode of transportation and to ensure their safety, particularly those plying busy streets in big cities,” ani Go.
“Basta siguraduhin po dapat na ligtas ito para sa mga nagbibisikleta at pati rin sa ibang nasa kalsada,” ani Go.
Namamahagi rin si Go computer tablets sa mga kabataan para makatulong sa kanilang pag-access sa kanilang educational materials sa blended learning classes na ipinatutupad ng mga paaralan.
“Pakiusap ko sa mga anak ninyo, sana ay mag-aral silang mabuti. Mga kabataan, kayo ang kinabukasan ng bayang ito. Napakaimportante na makapagtapos kayo—bagama’t blended learning ngayon–dahil edukasyon ang tanging puhunan ninyo,” ang palaging idinidiin ni Go.
Nagkakaloob din ang sendor ng mga sapatos sa pagsasabing hindi lahat ng Filipino ay nakabibili ng maayos na sapin sa paa.
“Magseserbisyo at tutulong ako kahit saang sulok ng Pilipinas. Iyan po ang ipinangako ko sa inyo. Gusto ko pong makapagbigay ng solusyon sa inyong mga problema at makapag-iwan po ng kaunting ngiti sa panahon ng inyong pagdadalamhati,” paniniyak ng senador.
Sinabi ni Go na palagi niyang titiyaking walang maiiwan sa muling pagbangon ng bansa.
“Para sa mga manggagawang Pilipino, alam kong mahirap ang panahon ngayon, pero kailangan nating magtulungan. Buo ang aming dedikasyon para maprotektahan kayo dahil kayo rin ay isa sa mga frontliners na patuloy na nagseserbisyo sa inyong mga komunidad,” anang senador.