Advertisers
NGAYONG ika-70 anibersaryo ng GMA Network, ibinida ni Lovi Poe ang mga programang nagbibigay-halaga sa women empowerment.
Ilan sa mga Kapuso show na ito ang ‘Super Ma’am,’ ‘Sahaya,’ at ‘Beautiful Justice’.
“Dito po sa GMA, kinikilala natin ang kahalagahan nating mga kababaihan sa lipunan,” panimula niya. “Ipinapakita natin ang ating angking lakas, husay, at tatag ng loob. Hindi tayo nagpapaapi. Nagagawa natin ang ano mang ating naisip at kaya nating makipagsabayan kahit kanino man.”
***
Willie Revillame may mensahe para kay Michael V.
Nagpaabot ng mensahe ang Wowowin host na si Willie Revillame para kay Michael V. matapos niyang mapag-alaman na nag-positibo sa COVID-19 ang komedyante.
Noong July 20 ay ibinahagi ni Bitoy sa pamamagitan ng YouTube vlog na siya ay tinamaan ng kinatatakutang sakit. Sa parehong araw rin ay nagpahayag ng dasal at suporta si Willie sa live episode ng ‘Tutok To Win’.
“Gusto ko lang i-get well soon at [sana] maka-recover kaagad [ang] kaibigan natin, si Michael V. Alam ko may pinagdadaanan ka ngayon. Alay namin sa’yo ang aming… tanging pagdadasal ay maka-recover ka agad.”
“Hanga ako sa’yo dahil sinabi mo ‘yan. Lalong lalo na sinabi niya sa Facebook niya na ‘yun nga ho, naging positive siya ng COVID, at hindi natin alam kung bakit. Kaya ho ganun katindi ‘yang COVID na ‘yan. Wala pinipili ‘yan, even ‘yung president ng ibang bansa, even ‘yung kung sino mang nanunungkulan,” dagdag pa ni Willie.
***
Dingdong at Marian kalikasan at kultura ang adbokasiya
Sinisiguro ng Kapuso stars na sina Dingdong Dantes at Marian Rivera na ang kanilang mga proyektong ginagawa ay pasok at malapit sa kanilang prinsipyo at adbokasiya.
Patunay na lang ang award-winning infotainment show ni Dingdong na Amazing Earth na layong magbigay kaalaman sa kalikasan at sa ating planetang ginagalawan. Saksi rin ang lahat sa husay na ipinamalas ni Marian nang gumanap ito sa makasaysayang drama na Amaya.
Sa ika-70 anibersaryo ng GMA-7, pinasalamatan ng dalawa ang Kapuso Network sa patuloy na paggawa ng mga programang nagpapahalaga sa kalikasan at kultura ng bansa.
“Lahat tayo ay nakatira sa iisang mundo kaya dito sa GMA layon din nating bigyan ng pagpapahalaga ang ating kalikasan at ating kultura. Nang sa gayon ay magkaroon tayong lahat ng mas malalim na kamalayan at mahikayat ang lahat na pangalagaan ito,” sabi ng Kapuso talents.
Samantala, mapapanood muli si Dingdong sa bagong episode ng Amazing Earth ngayong Linggo (July 26), 5:25PM, bago mag-24 Oras Weekend sa GMA Network. (Rommel Gonzales)