Advertisers
LUMILINAW ang sakdal na crimes against humanity kay Rodrigo Duterte at mga kasapakat na iniharap ng dalawang dating mambabatas sa International Criminal Court (ICC). Sinabi ng mga ulat na nanggaling mula sa The Hague, Netherlands kung saan nakabase ang ICC na kinikilala ng ICC ang hiling ng mga pamilya ng mga biktima na ituloy ang pormal na imbestigasyon ng ICC sa malawakang patayan kaugnay sa madugo ngunit bigong digmaan kontra droga.
Sinusuportahan ng mga pamilya ang final report ni Fatou Bensouda, ang nagretirong punong tagausig ng ICC, tungkol sa malawakang patayan kaugnay sa giyera kontra droga kung saan sa pagitan ng 16,000 hanggang 30,000 ang napatay umano mula 2016 hanggang 2019. Sa 204 ulat na isinumite sa ICC ng mahigit sa 1,500 biktima, hiningi nila ang pormal imbestigasyon ng pandaigdigang institusyon dahil ito ang paraan para malaman ang dahilan kung bakit pinatay ang kanilang kaanak ng walang paliwanag at hindi sa ilalim ng anumang batas.
Itinuturo ng mga pamilya ng mga biktima na si Duterte ang utak ng mga patayan dahil nagbigay siya ng order sa kanyang mga galamay na basta patayin ang mga pinaghihinalaang adik at pusher na sangkot sa droga. Hindi sila isinailalim ng batas at basta na lang sila pinatay, ayon sa ulat ni Bensouda. Iisa ang madala na ibinigay na dahilan ng mga pulis at ito ay dahil “nanlaban” umano ang mga biktima, ayon kay Bensouda.
Unang iniharap ni Sonny Trillanes at Gary Alejano sa ICC noong 2017 ang sakdal na crimes against humanity laban kay Duterte at mga kasapakat tulad ni Jose Calida, Dick Gordon, Alan Peter Cayetano, Bato dela Rosa, Vitaliano Aguirre at iba pa. Pinagtawan at nilibak ng kapwa mambabatas ang sakdal na iniharap ng dalawang mambabatas sa ICC dahil kasagsagan ng patayan noon at nasa rurok ng kapangyarihan si Duterte at mga kapanalig.
Hindi tumulong ang mga lider oposisyon sa pagbuo ng sakdal kaya tanging sina Sonny Trillanes at Gary Alejano ang nagdala ng asunto sa ICC. Kahit si Leni Robredo na pinakamalakas umano na kandidato ng oposisyon sa 2022 ay hindi tumulong. May koalisyon ang Kaliwa kay Duterte noong panahon na binuo ang asunto at sumama sila noong 2019 pagkatapos na humiwalay sila kay Duterte. “Mapupunta iyan sa basurahan,” ani Ping Lacson na may himig panunuya. “Suntok iyan sa buwan,” ani JV Ejercito anak ng nakulong na mandarambong na si Erap Estrada.
Hindi sukat akalain ng maraming pulitiko na kumilos ang sakdal ng dalawang mambabatas ng Magdalo Party List. Kahit humagip ang matinding pandemya, nagpatuloy ang proseso sa sakdal na humantong sa rekomendasyon ni Bensouda ng magkaroon ng pormal na imbestigasyon ang ICC upang mausig si Duterte at mga kapanalig. Nasa Prosecution Chamber na ang asunto at tinatayang mauumpisahan ang imbestigasyon sa Septiyembre or Oktubre.
Wala naman maayos na sagot si Duterte at kahit sinong kasapakat sa asunto. Tanging si Harry Roque lamang ang nagsasalita at iisa ang himig ng kanyang paliwanag. Wala umano poder ang ICC na siyasatin si Duterte dahil umalis na ang Filipinas sa ICC noong 2019. Hindi sineseryoso si Harry Roque dahil wala siyang reputasyon na magaling na abugado.
Sinasabing bihasa si Roque sa international law si Roque ngunit pinagtatawanan siya dahil wala siya umanong naipalong kaso sa mga high profile cases na hinawakan niya noon. Mukhang hind kabisado ni Roque ang pag-imbulog ng international justice system kung saan ang mga abusado at mapagsamantalang lider ay dinadala sa pandaigdigang hukuman tulad ng ICC. Hindi naiintindihan ni Roque na nag-iba na ang international criminal law.
Nililibak ni Duterte at ICC at sinabing hindi siya pahuhuli ng buhay. Gayunpaman, batid ng marami na ninenerbiyos si Duterte at mga kasapakat sa tema ng kanyang pananalita. Alam nila na hindi sila bibiruin ng ICC.
Ang hindi alam ni Duterte ay patuloy ang pagsusumite sa ICC ng mga pamilya, organisasyon pang karapatang pantao, at iba pang grupo ng dokumento at katibayan na sangkot si Duterte at mga kasama sa malawakang patayan. Hindi nila mapigil ang pagdagsa ng mga dokumento na batayan na magdidiin sa kanila sa asunto.
***
IPINAHAYAG kahapon ni Bong Go na tumatanggi siya sa endorso ng PDP-Laban (paksyon ni Al Cusi) na maging kandidato sa pangulo sa 2022. Hindi namin alam kung bahagi ito ng pakipot politics na usong-uso ngayon. Lahat yata ng mga kandidato ay hindi tatakbo. O sadyang nagpapakipot lang. Hindi natin alam kung saan hahantong ang kani-kanilang drama.
O mukhang nararamdaman niya ang init ng eskandalo ng P67 bilyon pondo ng DoH. Malaki masyado ang halagang dinambong at hindi ito matatalikuran ni Bong Go. Doble kamalasan ang kanilang haharapin sapagkat kumikilos na sa ICC ang sakdal na crimes against humanity laban kay Duterte at 12 kasapakat kasama si Jose Calida at Bato dela Rosa ng Grupong Davao.
Hindi namin kilala si SP Fernandez, ngunit ginulat niya kami sa isang post: “THE BIGGEST CRIME THAT CAN BE COMMITTED AGAINST HUMANITY, IS TO STEAL THE MONEY THAT IS INTENDED TO SAVE LIVES.” All caps ang post niya at wala kaming binago. Malinaw ang kanyang kalatas at walang gatol na ipinahayag ang kanyang damdamin tungkol sa paggamit ng pondo ng bayan sa mga overpriced na kasangkapan para sa pandemya.
Alam na ninyo ang aming tinutukoy – ang iskandalo sa mahigit sa P8 bilyon na pondo ng DoH. Sangkot si Farncisco Duque III at DBM Undersecretary Christopher Lao. Kapag naimbestigahan ang lalim, hindi malayo sangkot si Bongo at ang kanyang amo – Rodrigo Duterte. Ito ngayon ng pinagtutuunan ng imbestigasyon ng komite de absuwelto este blue ribbon committee ni DickGordon.
May tweet ang beteranong host na si Karen Davila ng ABS-CBN:
“DOH transfers P42B to DBM PS headed by Christopher Lao to buy med supplies.
“An unregistered supplier, Michael Yang’s Pharmally Pharma bags a P9B deal selling overpriced med supplies.
“Lao and Yang have been linked to the President and Sen Bong Go.
“Now, they want Duque to resign.”
Sa laki ng kulimbat at sa liit ng kumpanyang nangunglimbat, imposible na hindi alam ni Bong Go at Duterte ang pandarambong. Kayo na lang ang humusga. Nakakapagod ang gobyernong ito sa dami ng katiwalian. Isasakripisyo nila si Duque para pagtakpan ang kanilang kapampalasan.
***
QUOTE UNQUOTE: “PH politics: Where the ass you kiss today will be the same one you kick tomorrow.” – Petere Tabingo, mamamahayag at netizen
“If Yang, Go, and Lao encash the P42B they stole from us, they will need several flatbed, ten-wheeler trucks to haul the money.” – Roly Eclevia, netizen
“At the rate the madman’s popularity and ascendancy nosedives, every follower, including Sara, has to take distance from him.’ – George Sta. Ana, netizen