Advertisers
NALAMPASAN na ni Totoy Kulambo ang pambobola sa sambayanang Pilipino at tuwiran o lantaran nang sinasabi at ipinapakita ang panggagago nito. Walang patumpik-tumpik kung magpahayag na handa itong tumayo at bumagsak kasama ang bilyonaryong kalihim ng kagawaran ng kalusugan. Tunay na hindi ito nagpapaepekto sa ulat ng COA na ibinabalita ng mga media outlet upang ipabatid sa madla ang kaganapan sa nasabing kagawaran o mismo sa pamahalaan.
Malinaw na ipinagtatanggol at sinasangga ni Totoy Kulambo si Dugas sa nasilip ng COA na mga anomalya. Ngunit mukhang may ibang anggulo ang anomalya na hindi makikita sa dokumento o walang dokumento dahil maaaring malantad ang ibang mga personalidad na nakatago sa mga transaksyon kapag inipit si Dugas. Malaki ang halaga na pinag-uusapan dito tulad ng unang banggit ng Batingaw. ‘
Di kaya umaabot ang baho sa Puno ng Balite sa Malacañang o sa opisina ng espesyal atsoy na senador na nagkalat ang Masakit Center, este Mala Sakit, este Malasakit Center sa buong bansa. Sabi nga ni TK, napakalaki ng pondong binabanggit upang magawa ni Dugas ang anomalya. Eh ‘di may kasama, ‘di ba Mang Juan?
Sa paglipas ng mga araw o linggo, hayun, nagbago na ng pahayag ang pinakaiibig ng mga DDS na si TK na handa itong tanggapin ang pagbibitiw ni Dugas, kung kusang loob niyang iaabot o sasabihin ang kagustuhan nitong magbitiw sa tungkulin. Ganito ba ang laban sa korapsyon? Bayan, huwag kalimutan na ang laban sa katiwalia’y walang sini-sino. Basta’t nagkamali, dapat panagutin.
Ngunit iba si Dugas. Kailangan magkusa ng pagbaba sa tungkulin bago alisin. Talagang lantaran na ang gaguhan sa kasalukuyang pamahalaan, ngunit hindi ito lingid kay Mang Juan.
Silipin natin ang mga pahayag ng Inferior Dabaw Group sa nangyayaring zarzuela sa politika na pinopondohan ng malaki para mapasaya ang madlang Pipol na napakahilig sa usaping politika. Nariyan na inayawan ni Bongoloid ang pag-eendorso ng PaDapa-Laban bilang kandidato nito sa darating na halalan pampanguluhan. Tila inayawan ang ice cream na nasa apa, kahit kitang-kita na takam na takam ito.
Sa dami ng mga itinatayong Malasakit Center bilang paghahanda sa darating na panahon, mauuwi lang ito sa wala at mapapakinabangan ng kadugo ni Totoy Kulambo, ganun din ang panlasa sa iiwan ng ama. Ang zarzuela ng lapian ng PaDaPa’y napakalantarang panggagago sa kaisipan ni Mang Juan. Inaakala na hindi batid ang ginawang palabas upang ilihis ang mga usapin, lalo na’t sangkot ang sangkatutak na pondo na gagamitin sa darating na halalan. Hiramin natin ang kanilang sinabing sako-sakong pera para sa halalan.
Ang lantarang panggagagong ito’y anak lamang ng huling nais gawin ng IDG upang linlangin ang talino ng sambayanan. Narito sa ngayon ang pinaka mabagsik na panggagago ni Totoy Kulambo—ang i-audit ang buong pamahalaang sakaling mananalo ito sa darating na halalan sa ’22. Ano ka, hilo? Subalit, sa pagkakataong hindi manalo, tila batid na nila ang magiging resulta sa darating na halalan, sa ganito kaagang panahon.
Tila ang pagpili ng COMELEC na paglalagakan ng mga gamit nito sa halalan ay may kinalaman sa pagpapahayag ni Totoy Kulambo. Ang pag-ayaw ni Bongoloid sa nominasyon ang pangalawang batayan ng mga galaw na kumikiliti sa kaisipan ni Mang Juan. Pangatlo ay ang pagpapahayag ni Mr. Ping Formula na sa mga batang tatakbo sa halalang pangpanguluhan. Ang pagkiling nito kay Inday Sapak ang siyang pako na maglilibing sa inaasam nating demokrasya.
Ang mga nabanggit na mga maaaring maganap sa darating na halala’y hindi makakaiwas sa talas ng pang-unawa ni Mang Juan. Pang elementarya ang galaw na ito ng IDG at buking na ito ng mga operator na hindi mag-aaksaya ng oras upang soplakin ang ganitong estilo na maaaring gawin sa ’22.
Bigyan natin ng konting espasyo na sakaling manalo si TK sa pagka bwisit presidente sa pamamagitan ng dayaan. Tsaka niya pagnanais na i-audit ang pamahalaan. Anak ng bakang kapon oh, eh anim na taon hawak ang kapangyarihan mula nang ika’y maging Puno ng Balite sa Malacañang at sa pagkabwisit presidente mo pa nanaisin na gawin ang tamang pag-audit. Ano ka, hibang?
Lantarang panggagago ang mga sinsabi mo at napakabopol na ang maniniwala sa iyo. Anim na taon kang pangulo, wala kang ginawa upang pigilin ang korapsyon. Ngayon, nais mo pang gawin ito kung kailan naghihintay ka lang na may mahikang maganap sa magiging pangulo. Anong kapangyarihan ang mag-uutos sa iyo na maaari gawin ang mga inuusal mo? Saan ka kukuha ng utos, sa presidente?
Kay Inday Sapak upang ipakita rito na may silbi ka, ay naku, malinaw pa sa sikat ng araw na ‘yang sinasabi mo’y walang basehan at puro retorika lamang upang magpapansin kay Mang Juan, Aling Marya at sa balana. Eh, aalog-alog ka na nga kakalakad, mag-o-audit ka pa? Batid na ng Pinoy ang panggagago mo. At sa iyong magiging kapareha, malamang na magagalit pa sa iyo kung tutuloy ka sa pagtakbo dahil hahatakin mong pababa ito. Kung sabagay, para sa inyo ang COMELEC na magsabi kung sinong nanalo, eh halos lahat ng nakaupo’y kakampi mo.
Sa inyo ang COMELEC, subalit gising na ang maraming Pilipino na naghihintay sa kanilang pambato na magpahayag ng kanyang pag-ibig sa pagtakbo sa panguluhan. Maniwala ka o sa hindi, ang mga Pilipino ang magbabantay at magsasabi na hindi ikaw at ang iyong kapareha ang uupo sa darating na halalan pampanguluhan.
Kahit sa iyo ang mga opisyal ng COMELEC, hindi sa iyo ang boto ni Mang Juan na sabik sa pagbabago—pagbabagong kasama sila at ang balana. Bagay na batid mo, subalit pilit na nilalabanan dahil sa takot ng pagkaaresto sa darating na panahon. Malapit nang matapos ang maliligayang araw ng IDG.
Tapos na ang araw ng inyong nagpapasasa sa kaban ng bayan. Tapos na ang lantarang panggagago sa bayang ito. Kung papalarin pa, sana matapos na ito bago pa man ang halalan sa ’22 upang sa gayon, mailatag nang maaga ang pagbangon ng ekonomiya, moralidad, at magkaroon si Mang Juan ng maayos na kinabukasan na hindi natikman sa maraming taon ng iyong panunungkulan….
Maraming Salamat po!!!