Advertisers
LUMARGA na patungong Canada ang Manila Chooks TM para sa pagsabak sa 2021 FIBA 3×3 Montreal Masters.
Pasadao at pawang negatibo sa isinagawang RT-PCR test ang mga miyembor ng koponan kabilang ang mga players na sina Mark Yee, Mac Tallo, Zachary Huang, Dennis Santos, at alternate player Chico Lanete.
Tumulak ang Manila Chooks TM ganap na 2:40 ng hapon kahapon at inaasahang mag-stopover sa Tokyo, Japan ganap na 8:00 ng gabi bago bumiyake patungong Vancouver ganap na 9:55 .
Kabuuang walong oras at 55 minuto ang biyahe mula Tokyo hanggang Vancouver.
Inaasahang darating ang delegasyon sa Vancouver ganap na 4:50 ng hapon ng Huwebes at isa pang biyahe patungo sa Montreal.
Nakatakdang mag-ensayo ang grupo kung mapapayagan ng medical team ng organizers matapos ang ilang araw na isolation batay sa ipinapatupad na safety and health protocol.
“Sobrang blessed. Hindi naman natin maitatago na may edad na tayo para maimbitahan tayo sa ganito kalaking tournament,” pahayag ng 39-anyos na si Yee.
“Talagang, kumbaga, lagi ko lang iniisip na sobrang blessed talaga. Sa pagkakataon na ito, hindi ko naisip na mare-represent ko pa ‘yung bansa natin sa FIBA sa tanda ko na ito.”.
Kakailanganin ng 11th seed Manila Chooks TM ang matikas na pagtatapos sa liga para sa kinakailangang puntos upang magamit sa kwalipikasyon sa 2024 Paris Olympics.
Kasama ang Manila Chooks TM sa Pool D na kinabibilangan din ng World No. 8 Antwerp ng Belgium at No. 10 Edmonton ng Canada. Nakatakda ang laban ng Pinoy sa Antwerp sa Setyembre 5 ganap na 12:45 ng umaga (Manila time) habang ang laro kontra Edmonton ay ganap na 6:50AM.
Ang mangungunang dalawang koponan sa Pool D ay uusad sa crossover playoffs sa Setyembre 6 kung saan makakaharap ang World No. 4 Ub ng Serbia, Switzerland’s Lausanne, o ang home team Old Montreal.
“Gustong-gusto naming bumawi kasi nabitin kami noong Doha Masters,” pahayag ni Lanete. “Every win and every point counts for us para makakuha tayo ng points para sa Olympics.”(Danny Simon)