Advertisers
INSPIRASYON SA BUHAY: “… May tao pa bang pinanahanan ng Espiritu ng Diyos?…” (Genesis 41:38, Ang Tanging Daan Bibliya).
-ooo-
MGA MANGGAGAWA NG DIYOS, HINIHIMOK NA PUMASOK SA PULITIKA AT MAGLINGKOD BILANG MGA HALAL NA OPISYALES: Panahon na para sa mga mananampalatayang Pilipino na mamuno sa pamahalaan, sa lahat ng kaniyang tatlong sangay, at sa iba’t ibang departamento nito. Sa bigat ng mga problemang kaharap ng bansa ngayon, kasama na ang di-mapigil-pigil na pananalasa ng COVID 19 at sa mga variants nito, tanging ang mga nananampalataya sa Diyos, anuman ang tawag nila sa Kaniya, ang pinagkalooban ng inspirasyong nagmumula sa Diyos na magagamit sa matuwid na pamamahala, at tiyak na matagumpay sa pamumuno.
Ito ang nangungunang pananaw ng mga hosts sa daily radio-online morning show na 21 Minutos Mas O Menos noong umaga ng Biyernes, September 24, 2021. Tinalakay ng mga hosts na sina Davao Methodist Bishop Rudy Juan, Pastor Jojo Gonzales, Atty. Noy Macatangay, Rod Cornejo, at ng inyong lingkod, Atty. Batas Mauricio, ang tanong kung ang mga mananampalataya at mga manggagawa ng Diyos ay may karapatang magpapili at mahalal sa mga posisyon ng gobyerno.
Sa talakayan ng “Connecting Businessmen and Professional Managers to Christ” (CBMC) Philippines noon ding Biyernes ng umaga, ipinakita din ng dalawang tapagsalita doon, si Atty. Jeremiah Belgica, ang secretary ng Anti-Red Tape Authority ng Office of the President, at Atty. Dave Aguila ng La Union at dating deputy administrator ng National Electrification Administration, na nagdiriwang ng kaniyang ika-91 taong kaarawan, ang kakayahan ng mga mananampalatayang mamuno sa gobyerno.
Nagsalita si Atty. Belgica sa paksang kahalagahan ng “time”, o oras sa bawat araw para sa bawat tao, habang ang paksang tinalakay ni Atty. Aguila ay ang pagkakaroon ng maligayang buhay batay sa pagsunod sa mga utos ng Diyos at ng ating mga magulang, kahit maraming taon na ang dumaan sa buhay ng bawat nilikha.
-ooo-
MAGIGING MAHUSAY NA OPISYALES NG GOBYERNO ANG MGA MANGGAGAWA NG DIYOS: Parehong itinampok ng dalawang abogado ang halimbawa ng kanilang mga buhay kung saan sa kanilang mga naging posisyon sa gobyerno, ginamit nila ang paglilingkod sa publiko bilang mabisang tuntungan hindi na lamang ng pagpapahayag ng Salita kundi pagsasabuhay ng mga kautusan ng Diyos.
Umikot ang dalawang talakayang ito— 21 Minutos Mas o Menos, at CBMC Philippines — sa pangangailangang maging matuwid ang mga namumuno upang tuloy-tuloy ang pagdaloy ng pagpapala, paggabay, at proteksiyon ng Diyos sa buong sambayanan.
Naging halimbawa ang kasaysayan ni Joseph The Dreamer sa Aklat ng Genesis ng Bibliya, at kung papaano siya nailuklok bilang pangalawang tagapamahala ng bansang Egipto, sa harap ng paparating na pitong taong taggutom sa Gitnang Silangan.
Napili ng hari o faraon ng Egipto si Joseph upang maging pangalawang pinuno sa nasasakupan ng faraon matapos magkasundo ang hari at ang iba niyang mga tagapayo na si Joseph ay isang tao na pinamamahayan ng Espiritu ng Diyos.
-ooo-
MGA PINUNONG NASA DIYOS, MAGDADALA SA BAYAN SA KAUNLARAN HABANG SA MGA PINUNONG TIWALI, MAPAPARIWARA ANG TAO: Dahil sa pagkakaluklok ni Joseph, at sa paggabay nga ng Banal na Espiritu sa kaniya, napagtagumpayan ng kaharian ng faraon ang taggutom, at napigilan ang kamatayan ng marami.
Naging sentro din ng pagtalakay sa dalawang talk shows na 21 Minutos Mas o Menos at CBMC Philippines Friday Fellowship noong Biyernes, September 24, 2021, na nagiging maunlad at masagana ang buhay ng mga mamamayang nasasakupan ng isang matuwid na pinuno, samantalang namimighati naman ang mga tao kapag ang kanilang pinuno ay tiwali at pawang pang-sarili lamang ang kanilang isinusulong.
Sa harap ng lahat ng ito, marami din naman ang nagpahayag na hindi maganda na ang mga manggagawa ng Diyos ay lulusong sa pulitika. Ayon sa pananaw ng panig na ito, marumi ang pulitika, lalo na sa Pilipinas, at tiyak mababahiran lamang ng uling o putik, o dumi, ng pulitika ang mga tao ng Diyos.
Sa ganoong sitwasyon, hindi makakatulong sa pagsulong ng matibay na pananampalataya ang mga manggagawa ng Diyos na lalahok sa pulitika. Sa halip, maaaring maitaboy pa nila ang ibang mga mananampalataya palayo sa Diyos at sa pananampalataya.
-ooo-
REAKSIYON? Tawag na: 0947 553 4855. Email: batasmauricio@yahoo.com. MANOOD, MAKINIG: Kakampi Mo Ang Batas, www.facebook.com/attybatas, www.facebook.com/radyopilipino, YouTube.com/kakampimoangbatas, Radyo Pilipino stations nationwide, at mga affiliated radio stations ng Kiss FM network, Sunrise News network, PowerNews Broadcasting Network, 95.5. J FM network.