Advertisers

Advertisers

Bad influence

0 12,196

Advertisers

KUNG ano ang gawa ng matanda siyang ginagaya ng bata. Kung ano ang gawa ng nasa itaas siyang gusto ng nasa ibaba. Sa pamilya, ang magulang ang huwaran ng mga anak na ginagaya’t ipagmalaki sa kaibigan, kamag-anakan. kasambahay, o sa sino mang taong nakasalamuha. Maluwag sa loob na ipamahagi ang kaugaliang napulot o natutunan sa ama’t ina na may pagmamalaki. Sa labas ng tahanan, masasabi na ipinagmamalaki ang kaugalian o ang kasuotan na pinagayahan lalo’t batid na ito’y gawa o gawi ng isang kilalang tao na tinitingala sa lipunan. Ang panggagaya’y tunay na kalugod-lugod lalo’t sa taong may mahusay na reputasyon sa buhay. Ang tanong, paano kung ang idolo’y taong kakikitaan ng mga negatibong asal, mula sa salita hanggang sa gawa? Dapat bang gayahin?

Siyempre hindi, sa paghahanap ng matutularan tila ang Pilipino’y tumitingin sa gawi ng madalas makita, sikat, dayuhan man o lokal. At tila mas madaling tularan ang mali sa halip na tama. Nakapanlulumo dahil sa halip na iwaksi dumadami ang buktot sa mabuti at sa pagdating ng panahon mas mabigat ang dapat ayusin. Sa halip na simpleng paglilinis, kailangan na ng mas malalim na pagsasaayos dahil o tila naipasok na ang mali bilang kaugalian. At ang tamang pag-sasaayos ang pagpasok sa aralin ng mga bata mula sa murang gulang.

Dapat maging bahagi ng sistema na itanim sa isip at puso ang tamang pag-uugali ng di kagyat na mawala. Noong nakaraang mga dekada nariyan ang Good Manners and Right Conduct (GMRC) bilang bahagi ng aralin sa paaralan. Ang simpleng po at opo’y hindi sapat na matutunan bagkus may mga kalakip itong gawa upang pagtibayin ang kabutihang asal na natutunan. Kung hindi, tiyak ang palo sa magulang o sa guro na ikinahihiya ang ‘di pagsunod sa kabutihang asal na itinuro. Ang mabuting asal na natutunan sa tahanan at pagsusog sa paaralan ang tamang hakbang na dapat ibalik, pero nasaan na ang GMRC?



Sa pagdami ng tao, pagbilis ng pagbabago at ang itinakbo ng teknolohiya ang mga dahilan na lumayo ang tao sa pakikipagkapwa na nagtiis sa sariling paraan sa paglinang ng karunungan. At naiwan ang magandang kaugalian. Nahan ang mabuting pag-asal at pawang pag-unlad ang inuna na hindi natikman ni Mang Juan? Nawala ang kabutihang asal bagkus ang manatili sa pedestal ang tiniyak. Naging pangunahing guro ang nakikita sa labas o sa TV na pulos kagaspangan ng pag-uugali ang mapupulot. Nariyan na naririnig sa lider ng bansa ang kahalayan sa pagsasalita na parang isang payak na pahayag lamang.

Ito ang masamang halimbawa na napapanood na ginagaya. Ang padaskul na sagot sa mga tanong ang pinapalakpakan at tinatawanan na parang inaayunan, kawawang mga kabataan. Totoo ang kasabihan, kung ano ang makita ng bata sa matanda ito ang ginagawa. Hindi nakakapagtaka kung maraming bata sa ngayon ang bagsak sa kabutihang asal.

Sa pag-oobserba sa mga kabataan at sa mga nasa gitnang edad na Pilipino, masasabing nakatuon ito sa mga maling gawi na nakikita o napapanood, ang masakit madalas sa mga opisyales ng pamahalaan ito nakikita o naririnig. Walang pakundangan ang pagsasabi ng ‘di makaing salita na kadalasan gamit na ng kabataan sa kasalukuyan. Walang pag-aatubili na bangitin ang P**I dahil isa itong ekspresyon.

At walang ibig magpapaliwanag na ang salitang nabanggit ay puno ng negatibong kahulugan. Palasak ang pagsasabi ngunit at walang pagaatubili na inuusal ito ng kabataan na nanonood o nakikinig. Ang resulta, bahagi na ng kolokyal na salita ang P**I sa kasalukuyang panahon. Paano na? Tanggapin na lang?

Sa kilos at gawi ng mga lider ng bansa, nakakalungkot na katotohanan ang kaganapang ito dahil unti-unting ginagaya ng balanang nagmamasid sa gawi ng mga nasa poder. Sa mababang bahagdan ng lipunan masasabing tinutularan ang maling kilos ng mga nakakataas lalo’t may pagkakakitaan. Nariyan ang mga palusutan sa mga transaksyong pinapasok, at titigil lang kung nabatid o nabuko. Subalit lantad ang pagtatakip ng punong lider sa maling gawa sa halip na hayaang lumabas ang katotohanan, na siyang pangako sa bayan noong nakaraang halalan, sa ating salita, kinukonsinte, tama ba ito Totoy Kulambo?



At ang siste binato ng akusasyon ang umuusisa nang magbago ang takbo ng balita na sa halip na sila ang inaatake sila ang umaatake. Ano ang epekto sa bayan, gayahin ang kalakarang pinairal sa kasalukuyan, ang sala na natutunan sa halip na kabutihan.

Balikan ang usapin ng ayuda, matutukoy sa kasabihan na ang maruming tubig galing sa itaas ng bundok ang madaana’y tiyak na may bahid. Hindi magsisino sa mga nakinabang ngunit tiyak na ang dinaanan ng pondo’y nakinabang. Hindi usapin ang halaga ngunit tiyak ang pakinabang ng mga opisyal na dinaanan ng ayuda, at para saan na galing sa taas ang halimbawa, kung sa baba hindi mababasa, ano kayo swerte?

Madaling sundan ang katarantaduhan kaysa sa kabutihan lalo’t pera ang pinag-uusapan. Sa totoo lang, maraming Pilipino ang hindi nakakuha ng ayuda, o kung nakakuha hindi ito ang tamang halaga, at bakit magrereklamo kung may natangap na. At sa dami ng mahikero sa pamahalaan, ang pagkawala ng pondo ’y ‘di dapat pagtakhan.

Hindi na kailangan ng dokumento sa Cashunduan ang mahalaga’y maiabot ang napag-usapan. At alang base kung ano ang uri ng iaabot, ang mahalaga’y makarating ang takits sa kinauukulan, at ito ang maling halimbawa na ginagaya saan mang antas sa pamahalaan. Tunay na madaling matutunan ang masamang gawa kontra kabutihan. Kay Mang Juan, iiwas ang kabataan sa maling kasanayan upang magamot ang sakit ng lipunan. Ang pag iwas sa kabataan sa maling kaugalia’y magagawa sa pagmumulat sa isipan sa tamang pagpili ng punong bayan may malasakit sa hinaharap. Iwaksi ang katarantaduhan sa kasalukuyan.

Maraming Salamat po!!!