Advertisers
MAY ilang doktrina ng batas ang maaaring gamitin laban kay Rodrigo Duterte at mga kasapakat sa sakdal na crimes against humanity na iniharap ni Sonny Trillanes at Gary Alejano noong 2017 sa International Criminal Court (ICC) laban sa kanila. Sumulong ang sakdal kahit na iniutos ni Duterte na tumiwalag ang Filipinas noong 2019 sa Rome Statute, ang tratado na nagtayo sa ICC bilang hukumang pandaigdig laban sa mga abusadong lider.
Iniutos ng Pre-Trial Chamber ng ICC noong Setyembre ang formal investigation sa madaling panahon ng mga krimen umano ni Duterte at mga kasapakat sa mga mamamayan kaugnay sa madugo ngunit bigong giyera kontra droga. Sa proseso ng pagsisiyasat, inaasahan ang paglabas ng mga katibayan na nagpapakita ng paglabag ni Duterte at kasama sa karapatang pantao ng mga sibilyan na pinatay dahil pinaghinalaan na sangkot sa droga.
Inaasahan na susunod sa pormal na pagsisiyasat ang pagsampa ng sakdal sa hukuman kung litisin si Duterte at mga kasapakat at ihaharap sa kanila ang mga hawak na katibayan ng mga taga-usig laban sa kanya. Inaasahan na magsusulputan ang mga kaanak ng mga biktima ng malawakang patayan sa ilalim ng digmaan kontra droga.
Unang ibabalibag ng mga taga-usig kay Duterte at mga kasakapat ang doktrina ng command responsibility. Sa ilalim ng doktrinang ito, may pananagutan ang bawat pinuno sa kanilang ibinababang utos sa mga tauhan. Hindi matatalikuran ni Duterte at mga kasama sa sakdal tulad ni Bato dela Rosa, Jose Calida, at iba pa ang kanilang pananagutan sa mga utos na ibinigay nila sa mga pulis at iba pang alagad ng batas na kasama sa digmaan kontra droga.
Sa mga paglilitis sa mga war criminal sa makabagong kasaysayan tulad ng Nuremberg Trial ng 1945 kung saan nilitis ang mga pangunahing lider ng Nazi Germany, pananagutan ng International Tribunal ang mga lider Nazi dahil sa kanilang utos at partisipasyon sa pagkamatay ng humigit kumulang na anim na milyong Hudyo mula sa iba’t-ibang panig ng Europa.
Pinanagot sila dahil sa sapilitang paghakot ng humigit kumulang sa pito at kalahating milyong manggagawang dayuhan mula sa iba’t-ibang sulok ng Europa. Ginamit ng hukuman ang doktrina ng command responsibility upang papanagutin ang mga lider Nazi sa kanilang kalupitan sa mga sundalong kaaway at hindi pagsagot sa mga batas sa digmaan.
Sa pag-usig kay Duterte at mga kasapakat, inaasahan na ilalabas ang mga opisyal na dokumento at mga pahayag sa publiko na nagtataglay ng mga utos ni Duterte kaugnay sa digmaan sa droga. Hindi namin nakikita na mahihirapan ang mga taga-usig sapagkat nagkalat sa opisyal at di opisyal na plataporma ng talastasan kasama ang social media.
May kabilang mukha ang doktrina ng command responsibility at nakikinita namin na gagamitin ito ng puspusan laban sa mga kasapakat ni Duterte. Ito ang doktrina ng pagsunod sa mga ilegal na utos. Hindi tinatanggap sa makabagong batas ang dahilan ng mga kasapakat na kaya nagagawa ang malawakang patayan sa ilalim ng digmaan kontra droga ay dahil utos ito ni Duterte. Mas pinapaboran ang katwiran na hindi dapat sundin ang mga ilegal na order at utos.
Isa pa doktrina na maaaring magamit kontra kay Duterte at mga kasapakat ay ang doktrina na ginamit kay Adolf Eichmann, ang lider ng Nazi Germany na gumawa ng sistema sa riles bilang transportasyon upang dalhin ang mga libo-libong Hudyo sa mga gas chamber sa Auschwitz, Dachau, at Treblinka. Ikinatwiran ni Eichmann sa paglilitis sa kanya sa Israel na hindi siya maituturing na war criminal sapagkat wala silang sinaling o sinaktan kahit isang Hudyo.
Kinumpirma ni Adolf Eichmann na siya ang nasa likod ng maayos na sistema sa transportasyon para sa mga Hudyong papatayin, ngunit ikinatwiran ng hukuman ng Israel na hindi sapat na katwiran ang hindi siya nanakit o pumatay ng Hudyo. Mas binigyan diin ng hukuman na hindi niya basta ipinatupad ang utos na paslangin ang maraming Hudyo, ngunit nabanaag sa kanyang mukha ang lupit at galit sa liping Hudyo. Hindi siya nalayo kay Adolf Hitler. Binitay noong 1962 si Eichmann matapos ang dalawang taon na paglilitis.
***
Post namin ito sa social media tungkol kay Isko Moreno. Pakibasa:
NAGKABUKINGAN
Ipaliwanag ko ang konteksto kung bakit tinawag na ‘Hiling President’ si Isko Moreno. Four months ago, may online forum ang mga Ateneo alumni. Tinanong si Isko kung ano ang konsepto niya ng ‘healing presidency.’ Sinagot niya kaya lang lihis. Mukhang hindi niya naiintindihan ang phrase, o parirala.
Tingin niya, basta bumaba si Duterte sa poder sa 2022 at mag-fade away, iyon na para kay Isko. Kung mahalal siyang pangulo, hindi niya ihahabla si Rodrigo Duterte sa kanyang mga kasalanan at ipakukulong. Sa kanya, healing presidency na iyon. Hindi nagustuhan ng maraming netizen ang sagot ni Isko, pinatayan siya ng Zoom at nilayasan. Mukhang hindi alam ni Isko na kaharap niya ang mga nilalang na mas marunong sa kanya.
Nabisto siya na hindi niya naiintindihan ang konsepto. Tipikal na showbiz si Isko at hindi nag-aaral ng mga isyu. Ang healing presidency ay isang parirala o phrase na ginamit ni Abraham Lincoln sa isang pagtitipon bago niya ibigay ang makasaysayang Gettysburg Address. By that time, it was almost certain mananalo ang Union sa Confederates.
Matindi kasi ang isyu ng Civil War at ang pang-aalipin, o slavery, sa Estados Unidos. Hindi alam ni Isko iyan. Malalim sa kanya iyan kahit itinuro ang sa subject na U.S. History sa hayskul.
Sa Filipinas, ginamit ang pariralang healing presidency ni Ramon Mitra Jr. noong 1992 nang lumaban siya sa halalan. Iyan ang unang halalan pampanguluhan pagkatapos napatalsik si diktador Ferdinand Marcos. Matindi kasi ang iniwan ng diktadura ni Marcos.
Uso noon ang konsepto ng reconciliation, ang pagbabati ng mga nagtutunggaling puwera noon. Kaya patok si Monching at ginawang haligi ng kanyang kampanya ang healing presidency. Hindi nag click. Natalo siya…
Hindi nadala sa kawalan ng kaalaman si Isko. Muling binanggit ang linya niya sa ilang panayam at idineklara na bukod sa hindi ipapakulong si Duterte, bibigyan pa ng pwesto sa Gabinete ang uugod na lider mujla sa Davao City. Tuluyan nabisto siya na open secret candidate ni Duterte. Hindi ko alam kung makakabangon siya sa ganyang taguri.
***
QUOTE UNQUOTE: “Hindi pa naghahangad tumakbo, nominado na. Iyong iba, isinusuka ng partido tatakbo pa rin. Iyong isa naman hindi di raw tatakbo pero tadtad na ng tarp ang buong mundo.” – Lito Nartea, netizen