Advertisers
NAKIKIISA tayo sa panawagan ng National Press Club (NPC) sa ating mga senador na aksiyunan na ang nabibinbing panukalang batas na Media Workers’ Welfare Act (MWWA).
Naisapinal na po ito ng Kongreso at naipadala na sa Senado upang maisabatas, subalit dumaan na ang maraming buwan ay wala pa ring aksiyon ang mga senador.
Bilang dating Pangulo rin ng NPC ramdam ko nararanasan ng kaibigan natin na si Paul Gutierrez, ang kasalukuyang Pangulo ng NPC, kapag tinatanong siya ng aming mga kabaro na dismayado na, dahil usad pagong sa senado ang panukalang MWWA.
Tila inaamag na nga ang panukalang batas sa Senate Committee on Labor na pinamumunuan ni Senador Joel Villanueva.
Ang sabi nga ni kaibigang Paul sa kabila ng maraming oras na ginugugol ng Senado sa pagiimbestiga ng umanoy korupsiyon sa Ehekutibo na dinadaluhan ng halos lahat ng ating mga senador, ang nag-iisang panukalang batas para sa proteksiyon at kapakanan ng hanay ng media ay inaagiw sa Senado.
Ang tila pagpapabaya ng komite ni Villanueva aniya, ay mas nakapanglulumo dahil mismong si Senate Presidet Vicente “Tito” Sotto ang may akda ng bersiyon ng Senado sa panukalang batas, ang Senate Bill 1820 na isinumite nito isang taon na ang nakalilipas (September 9, 2020).
Kasama tayo sa pagsusulong nito at sa pamamagitan ni ACT-CIS partylist at dating broadcast journalist na si Rep. Niña Taduran, ang MWWA, sa ilalim ng House Bill (H) 2476, ay naipasa ng Kamara noong January 18, 2021.
Ngunit di na ito gumalaw o natalakay magmula ng maipadala ito sa Senado partikular na sa komite ni Villanueva.
Ano na nga ba ang nangyari Senador Villanueva sir? Medyo antayin namin ang inyong aksiyon at paliwanag. Bukas din ang pitak na ito para sa inyong kasagutan, Sir.