Advertisers
NAPAKAHALAGA ng halalan sa isang bansa, sapagkat isa ito sa mga batayan ng pag-iral ng demokrasya.
Ngunit, siyempre kailangang tunay na halalan.
‘Di tulad ng inilulunsad sa mga bansang diktadurya ang umiiral na sistema tulad sa China, North Korea at Cuba.
Ang tatlong bansang ‘yan ay hindi pa inaabot ang sistemang komunismo, kundi kontrol, pandidikta at paninikil ng mga ilang lider ng kani-kanilang partido komunista.
Matagal ding sinapit ng Pilipinas ang kalupitan ng diktador na si Ferdinand Marcos, tatay ni dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Moro-moro ang halalan noong panahon ni Marcos.
Palamuti lang upang sabihing mayroong eleksyon sa “bagong lipunan” ng bansang pinaghaharian ni Marcos.
Kaya, hindi galing sa totoong boto ng mamamayan ang mga nananalo sa eleksyon sa mga bansang kontrolado ng diktador o ng pangkat ng ilang pinuno ng mga diktador.
Ang isa pang dahilan sa pagiging mahalagang halalan ng Mayo 2022 ay dahil dito magkakaalaman kung sino ang papalit sa matapang na pangulo ng Pilipinas na si Presidente Rodrigo Duterte.
Hindi ba nakasasabik nang todo ang eleksyong darating?
Nasasabik na ako, kaya tinanong ko rin po kayo.
Pokaragat na ‘yan!
Kaso, malaki ang problema ng mga botante dahil napakaraming kandidatong patapon.
Mula sa mga posisyon sa mga pamahalaang lokal hanggang sa pagiging presidente ay maraming patapong kadidato.
Nakahihilo, nakalilito, nakabubuwisit!
Hindi ko na sasabihin kung sinu-sino sila dahil alam kong higit ninyong kilala kung sinu-sino ang mga patapong ‘yan.
Sa mga tatakbong pangulo, mayroong mga patapon, maliban sa mga binansagang “nuisance candidates”.
Hindi porke sikat ay hindi na patapon.
Kapag kinilatis ninyo nang husto, patapong mga kandidato sila sa pagkapangulo kahit sikat sila – kahit senador o lider-manggagawa.
Pokaragat na ‘yan!
Sandamukal din ang maisasama sa kategoryang patapon sa mga tumatakbo sa pagkasenador.
Ilan sa kanila ay sikat na sikat, ngunit may mga kasong nakasampa sa Office of the Ombudsmn at Sandiganbayan na may kinalaman sa katiwalian at korapsyon o pandarambong.
Hindi ba’t nakabubuwisit na lumahok sila sa halalan?
Kayo na lang ang magpasya sa mismong araw ng halalan.
Ang payo ko lang ay huwag na huwag iboboto ang mga kila ninyong mga patapong kanidato mula sa pagkapangulo, pagkapangalawang pangulo, pagkasenador hanggang sa mga tatakbong sa lokal.