Advertisers
MAGANDANG balita ang pagkakaalis ng Pilipinas sa red list o sa traffic light system restrictions ng United Kingdom (UK).
Epektibo ang kautusan ng UK noon pang Oktubre 11.
Aba’y mula sa 54 na bansa, pito na lang ang naiwan sa listahan na kinabibilangan ng Panama, Colombia, Venezuela, Peru, Ecuador, Haiti at Dominican Republic.
Matagal nang hinintay ng maraming Pilipino sa London ang ganitong hakbang ng UK.
Sinasabing sa Sweden naman, business as usual na.
Sapul noong Setyembre 29, tanggal na ang mga restrictions kontra COVID-19.
Kaya naman, wala na ang rekomendasyon nang pagsusuot ng face mask kahit sa pampublikong sasakyan.
Maliban dito, binawi na rin ang restrictions sa mga restoran at maging ang work-from-home arrangements.
Ibig sabihin, parang balik-normal na sila dahil hindi na kailangang magsuot ng face mask ang mga taga-Sweden kahit nasa pampublikong lugar.
Nananatili nga lang ang rekomendasyon ng social distancing at naka-face mask pa rin ang mga health workers sa kanilang trabaho.
Pansamantala ring itinigil ang pag-administer ng bakunang Moderna sa mga pinanganak mula 1991 pataas dahil daw sa side effects.
Ang ilang mga kababayan natin, hinihintay na rin ang kanilang mga kaanak na maaari nang pumasok sa UK.
Kung matatandaan, noong nasa red list pa ang Pinas, sampung araw na quarantine sa hotel ang kailangang bunuin pagdating sa Britanya habang kailangan ding gumastos ng hindi bababa sa 2,285 pounds.
At good news dahil ngayon ay hindi na ito po-problemahin ng mga Pinoy sa UK.
Ang ibang noypi naman, pina-plano na rin ang pag-uwi sa ating bansa dahil wala na ngang quarantine pagbalik ng UK.
Wala ring ibang ipinagdarasal ngayon ang lahat kundi ang tumigil na ang pananalasa ng COVID-19 at bumalik na ang normal na pamumuhay natin.
Dahil bumababa na ang mga naitatalang COVID-19 cases kada araw, naniniwala tayong paggising natin isang umaga, naglaho na ang virus.
Well, matatapos din naman ang problemang ito hindi lang sa bansa kundi sa buong mundo.
Kung ipagpapatuloy ang lahat ng mga sinimulan ng gobyerno para hindi kumalat ang virus, tiyak na mangyayari ang lahat ng ito.
Mahalagang magpabakuna, sumunod sa patakaran na may kinalaman sa social distancing, pagsusuot ng face mask, at paghuhugas parati ng kamay.
Sa pamamagitan ng mga nasabing paraan, tiyak maglalaho ang coronavirus.
* * *
PARA naman sa inyong mga sumbong, reaksyon, suhestiyon, atbp., maaari n’yo po akong i-email sa gil.playwright@gmail.com o kaya’y i-private message sa aking Facebook, Twitter, Instagram, at FB accounts. Paki-subscribe na rin po ang aking Youtube channel at Tiktok page na ‘Gilbert Perdez’. Maraming salamat at stay safe!