Advertisers
MAHABA pa ang araw upang masabing buo ang line-up ng mga tatakbo sa panguluhan sa halalan sa ’22. Subalit dama ni Mang Juan kung sino ang tutuloy at sino ang magpaparaya bago dumating ang nakatakdang araw sa palitan ng mga tatakbo. Hindi nagdeklara ang COMELEC kung sino sa mga kandidato ang may kakayahang magsulong ng pambansang kampanya at sino ang namumustura lang na sa takdang panaho’y magbibitiw upang magbigay daan sa ibig nito.
Ang mahabang panahon hinggil sa palitan ng hindi magtutuloy na kandidato’y tunay na malaking butas sa batas ng halalan at ito ang ginagamit ng mga buktot na ang tingin kay Mang Jua’y isang laruan na ang tanging silbi’y sumunod sa nais ng nasa itaas ng lipunan. Sa ngayon wait and see ang marami sa mga partido lalo ang papanigan ni Totoy Kulambo sakaling ‘di tumuloy ang pambato sa laban.
Tiyak na may kilos ito na lingid sa marami, ang pagtaya sa isa, dalawa o higit na kandidato na magtitiyak sa hayahay na pagbaba sa ’22. At siyempre sa dami ng salapi para sa ’22, ang tumaya sa iba pang tatakbo’y gagawin upang matiyak ang pagkatalo ng nag-iisang kalaban na magbibigay ng kalbaryo sa kinabukasan.
Kung sa ngayon gagawin ang halalan sa panguluhan, tatlong kandidato ang magdidikdikan upang makuha ang pag-oo o boto ni Mang Juan. Nariyan ang magka stablemate o magka kuwadra na ibig sabihi’y magkakampi habang ang natitira’y kalaban na hindi pa man opisyal ang galawan eh nariyan ang kaliwa’t kanang patutsada. Sa magkakampi, may isang lulutsa upang mapagod ang nag-iisang kalaban na sa pagdating ng tamang oras wala nang lakas na nagsisiguro ng kanilang panalo. Handa ang bawat isa sa laban at depende sa takbo kung sino ang may mataas na tsansa na manalo, ito ang aalalayan.
Habang ang isa’y tagabana’t tagahati sa boto ng iisang katungali. Sa ngayon, kita kung sino ang magkakampi at sino ang kalaban. Sa himig ng mga pananalita, madiin ang atake sa nag-iisang kalaban habang sa kakuwadra’y hinahayaan tumakbo ayon sa pagnanais. Subalit malinaw kay Mang Juan ang tinatayuan ninyo, at hindi maikakaila na pinag-aayuan ang sisilat sa inyo na dadalhin ni Mang Juan para sa pagbabagong inaasam.
Wala pa ang opisyal na takbuhan, tila silip na ng mga tiempista ang regla kung sino ang tatayaan at sino ang makakalaban sa ‘22. Kung social media ang pagbabasehan, malinaw kung sino magdadala ng tempo sa dami ng mga trolls na nakakalat. Wala sa isang araw na hindi kakikitaan ng pag-post ang mga trolls na bumibilog sa kaisipan ng mga sumisilip dito. Nariyan kuno ang magagandang ginawa ng ama’t ina habang sila ang nasa poder.
Nariyan ang mga mahuhusay na eskwelahan na pinasukan, ang magagandang proyekto sa panahon ng panunungkulan, nariyan ang mahusay na mga talumpati, mahusay na interpelasyon sa senado, nariyan ang lahat na maganda para sa kanya. Pero nasaan ang mga ninakaw kay Mang Juan?
Sa kabilang dako kaganapan, nariyan ang ka kuwadra na ipinapakita na nais nitong maging healing president kung maluluklok sa puno ng Balete sa Malacanan. Puro retorika ang bangit, subalit kapansin pansin ang pa-iwas sa kabuktutan ni TK. Uunahin ang pagkakaisa at paghilom ng sugat ng pagkakahati. Subalit, paano ang mga biktima ng EJK, ang bilyong bilyong nawala sa kabang bayan, na patuloy na babayaran ni Mang Juan, hahayaan na lang ba?
Sa mga talumpati, mapapansin na binabanatan ang abalang pangulo sa kadahilanan ng pagtakbo, ang labanan ang katungaling politiko. Hindi maganda sa pandinig nito ang rason sa pagtakbo, at lumang isyu ang usapin ng Marcos-Aquino, yellow tards este pink na pala kaya siya’y iba, ang maging healing president na walang hustisya makakamit si Mang Juan. Habang tuloy tuloy ang ratsada ng kritisismo sa abalang pangulo gamit ang pabaligtad na salita na kinagigiliwan daw ng mga nakikinig na patuloy na ginagamit hindi na lang sa kaMaynilaan maging sa pag-iikot sa lalawigan, ito ba ang uri ng pagkakaisa o nang-iisa. Sa isang banda, tila hindi kumbinsido na banatan ang anak ti Batac. Sa anong dahilan o tunay na iisang kampo ang pinangalingan at kumakalinga.
Sa ibang sulok ng karerang bayan, pansinin na iisa ang pinagtutuunan ng batikos ng mga tumatakbo, ang abalang pangulo. Ito ang laman ng kanilang talumpati ang putikan ang nag-iisang kalaban na kahit mahina ang dating sa mga survey na inilalabas ng SWS at False Asia.. Iisa ang kumpas na sinusunod, ang huwag papormahin ang abalang pangulo na baka makaligtaan mawala sa paningin at biglang umalagwa, ‘di mapigilan.
Kaya’t hindi titigil sino man sa mga kandidato ang kaliwa’t kanang batikos sa nag-iisang kalaban. Upang sa halip na mailaan ang pondo sa kampanya magamit ito sa pagdepensa sa mga kritisismo Ang mawalan ng pondong magagamit para sa kampanya ang puntirya kontra, ubusin ang pera ng ‘di umusad ang kampanya sa tinakdang panahon..
Malayo pa ang aktuwal na halalan, subalit malinaw ang kumpas sa ilang naghain ng nanais na masungkit ang panguluhan. Sa pagtakbong ito, may mga naatasan at may nagkusang nagnais, na iba ang tono sa una. Madaling malaman kung sinu-sino ang nasa iisang grupo, pakinggan ang mensahe, balikan ang mga kinilos hindi magkakamali sa obserbasyon. Hindi man tuwirang magkakampi ang isa, dalawa o tatlo sa tumatakbo, hindi ito magkalaban bagkus nakatuon ang puna at patutsada sa iisang kalaban, sa abalang pangulo.
May nagtatago sa ngalan ng pagkakaisa subalit bumatikos sa nag-iisang kalaban. May tumatayo para sa pag-unlad subalit silip ang galaw na pansarili at ‘di sa bayan. Iisa ang layon, ang igupo o sirain ang kampo ng abalang pangulo dahil batid ang lakas nito na nasa puso ni Mang Juan. Hindi pa man nagpapakita ng tunay na galaw, malakas ang kabig nito sa gitnang uri maging sa mga taong nasa laylayan ng lipunan na umaasa na aahon sa kinabukasan. Asahan na ang nag-iisang kalaban ang magiging tampulan ng lahat ng uri ng kritisismo’t propaganda.
Sa nag-iisang kalaban, asahan at tatagan ang loob sa darating na mga araw na maglalabas ang mga katungali ng maselang usapin na bibilog sa isip ni Mang Juan. Maghanda at balikan ang mga kahinaan na magagamit ng mga magkakasapakat upang madiskarel ang nag-iisang kalaban. Mag-ingat sa mga pinapasok na mga kaalyadong doble kara ang karakas lalo sa pagsama sa may mga usaping bayan. Huwag ipagwalang bahala o ibaba ang pag-iingat dahil gagawin ang lahat ng kalaban upang makaiwas sa hagupit ng kinabukasan…
Maraming Salamat po!!!