Advertisers
KASING liwanag ng sikat ng araw ang impormasyong nakarating sa BIGWAS! na tablado na si Major General Vicente Danao Jr. kay Pangulong Rodrigo Duterte dahil mayroong umanong napakalaking kasalanan ang naturang direktor ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa pangulo.
Dahil sa napakalaking kasalanan ni Danao kay Duterte, tanggal na sa bokabolaryo ng pangulo na italagang hepe ng Philippine National Police (PNP) ang nasabing heneral.
Pokaragat na ‘yan!
Ang pasya ni Duterte ay tila nagsasabing wala siyang pakialam kahit naging tapat si Danao sa kanya dati.
Kung totoo ang impormasyongnasagap ko, nangangahulugang tapos na ang ambisyon ni Danao.
Sa totoo lang ang sinasabing napakalaking kasalanan ni Danao kay Duterte ay napakalaking kasalanan din sa mamamayan sa Metro Manila (MM).
Kung todo-todong nadismaya ang pangulo ng Republika ng Pilipinas, napakatindi rin ang pagkadismaya ng mamamayan kay Danao.
Pokaragat na ‘yan!
Ang binabanggit na napakalaking kasalanan daw ni Danao kay Pangulong Duterte at mga residente ng buong MM ay ang barilang naganap sa pagitan ng puwersa ng Quezon City Police District (QCPD) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) dahil sa palpak na operasyon laban sa iligal na droga.
Palpak dahil sa barilan ng dalawang ahesniya ng pamahalaan na ikinamatay pa ng Ilang pulis ay nakalusot ang tudla nilang drug dealer.
Tiyak, hindi nagustuhan ni Duterte ang pangyayari dahil ang kampanya laban sa iligal na droga ng kanyang administrasyon ay napatakan ng dugo mula pa mismo sa mga tauhan ng QCPD at PDEA.
Mayroon na ngang namatay na mga mahuhusay na pulis, pumalpak pa ang operasyon laban sa drug dealer daw na “high – value target” (HVT) ang istatus dahil nakapuslt ito.
Kung inyong matatandaan, kaagad ipinatawag ni Duterte ang pinakamataas na pinuno noon ng PNP na si General Debold Sinas at pinakamataas na lider ng PDEA na si Director General Wilkins Villanueva sa Malakanyang kung saan pinagsabihan ng pangulo ang dalawang opisyal na magsagawa ng tapat at totoong imbestigasyon upang matukoy at malaman ang buong totoong kuwento sa naganap na barilan sa pagitan ng mga tauhan ng QCPD at PDEA.
Nagsagawa rin ng sariling imbestigasyon ang National Bureau of Investigation (NBI) na hanggang ngayon ay ilang opisyal at tauhan ng ahensiya ang nakakaalam sa resulta.
Pokaragat na ‘yan!
Ang isa pang palpak ni Danao na nakarating kay Duterte ay ang patuloy na pagkababad ng napakaraming barangay sa MM, kabilang na ang paligid ng himpilan ng NCRPO sa Lungsod ng Taguig, sa iligal na droga.
Patuloy ang operasyon ng mga tauhan ng PNP sa MM, subalit hindi nakakahuli ng mga malalaking isda mula sa mundo ng iligal na droga ang NCRPO at PDEA.
Maliban sa droga, hindi rin masugpu-sugpo ng NCRPO, sa ilalim ng liderato ni Danao, ang iba’t ibang tipo ng iligal na sugal sa halos lahat ng panig ng Kalakhang Maynila, kabilang na ang Taguig na matagal na naging base ng jueteng lord na kilala sa alyas na “John Yap”, bago nasulot ng isang “Bong P.”.
Sa pamamayagpag ng iba’t ibang iligal na sugal tulad ng bookies ng small town lottery (STL), bookies ng Peryahan ng Bayan (PNB), nookies ng lotteng, bookies ng EZ at iba pa sa maraming bahagi ng MM, kakabit na namayagpag ang isang alyas “Tita” o alyas “Reyna” dahil napakalayang kumabig ito ng salapit mula sa iligal na sugal.
Siyempre, mistulang pumapalakpak ang tainga ng amo ni alyas Tita na opisyal sa NCRPO.
Pokaragat na ‘yan!
Ayon sa mga impormante ng BIGWAS!, kasama na ang kampo ng jueteng lord sa Quezon City at kampo ng jueteng lord sa Cavite, na hindi magiging PNP Chief si Major General Danao.
Kahit anong gawing pagpapapogi ni Danao tulad ng pagpapalabas ng mga “banner story” sa mga pahayagan tungkol sa napakanipis na nagawa ng NCRPO laban sa iligal na sugal sa ilang piling barangay sa MM ay hindi na maliligayahan at hahanga si Duterte kay Danao.
Kahit ang anak ni Duterte na si Davao City Mayor Sara Duterte – Carpio ay ayaw na ayaw kay Danao.
Pokaragat na ‘yan!
Sa madaling salita, tablado rin kay Sara si Danao.
Kaya, hindi umano makakamit ni Danao ang kanyang ambisyong maging lider ng 220,000 pulis sa Pilipinas matapos na magretiro si General Guillermo Lorenzo Eleazar sa Nobyembre 13.
Ayon sa impormante ng BIGWAS!, nasisiyahan ang jueteng lord na si alyas John Yap dahil tila mababawian nito si Danao sa ginawa nito laban sa jueteng ng nasabing diyos sa jueteng sa Cavite.
Ayon sa isang alyas “Eric”, hindi magandang maging PNP Chief si Danao dahil ‘babalikan’ si alyas John Yap ng heneral.
Hindi naipaliwanag ni alyas Eric ang eksaktong kahulugan ng babalikan ni Danao si alyas John Yap.
Buweno, magkakaalaman bago sumapit ang Nobyembre 13 kung sino sa mga heneral ang itatalaga ni Duterte bilang kapalit ni Eleazar.
Mahalaga ang ipapalit kay Eleazar dahil sa halalang magaganap sa Mayo 2022.
Anuman ang sapitin ni Danao ay wala siyang ibang dapat gawin, kundi ipagpatuloy ang paggampan ng kanyang mga gawain, tungkulin at obligasyon bilang opisyal sa PNP.