Advertisers

Advertisers

Huwag iboto, mga kandidatong dalawa ang asawa

0 252

Advertisers

INSPIRASYON SA BUHAY: “… `May tao pa bang pinananahanan ng Espiritu ng Diyos?’…” (tanong ng Faraon ng Egipto kay Jose, sa Genesis 41:38, Ang Tanging Daan Bibliya).

-ooo-

PAYO NG PRESIDENTIABLE NA “TANGGAPIN ANG PERA, IBOTO ANG KURSUNADA”, LABAG SA BATAS, AYON SA COMELEC: Paglabag sa batas sa halalan ang payo ng isang presidentiable sa isang online talk show noong isang araw na dapat tanggapin ng mga Pilipino ang pera na ini-a-alok ng mga kandidatong bumibili ng boto para sa Halalan 2022, pero, sa huli, ang kursanada pa din ang dapat iboto ng mga tumanggap ng pera.



Ayon kay Director James Jimenez ng Public Information Office ng Commission on Elections, may parusang pagkakabilanggo ang pagbili at pagbebenta ng boto, kaya naman hindi ito dapat ipinapayo o sinasabi man lamang ng isang kandidato.

Inihayag ni Jimenez ang pananaw ng Comelec sa naging pahayag ng isang presidentiable kaninang umaga, Miyerkules, Oktubre 2027, kasabay ng pagkilalang “vote buying” o pagbili ng boto ang panukala.

“Tanggapin ang pera, iboto ang kursanada” ang tawag ng mga Pilipino sa sistemang pinapahintulutan ng presidentiable. Matagal na itong ipinapayo ng marami, at, sa tuwing halalan, maraming mga kandidatong walang pera upang ipambili ng boto ang nagsasabi ng mga ito.

-ooo-

SOCIAL MEDIA, HATI SA PAHAYAG NG PRESIDENTIABLE NA “TANGGAPIN ANG PERA, IBOTO ANG KURSUNADA”: Sa mata ng maraming netizens, marami ang agad ay pumuna at bumatikos sa payo ng presidentiable. Hindi diumano inaasahan ng marami ang naging pahayag niyang ito, lalo na at isa siyang itinuturing na dalubhasa sa batas, partikular sa mga batas ng halalan dahil na din sa kaniyang mataas na posisyon sa kasalukuyan.



Magkaganunman, naging dahilan ang pahayag ng nasabing presidentiable ng mainitang pagtatalo sa social media sa ngayon. Sa mga kaalyado ng presidentiable, dalawa ang kanilang naging reaksiyon. Una, sinasabi nila na walang karapatan diumano si Director James Jimenez ng Comelec na batikusin ang panukalang “tanggapin ang pera, iboto ang kursanada” dahil wala pa naman ito diumanong naipapakulong sa vote buying.

Ang tingin ng mga kaalyado ng presidentiable, sini-single out, o tinatapunan ng Comelec ang presidentiable dahil dito ito kakampi ng administrasyon. Ikalawa, sinasabi ng mga kaalyado ng presidentiable, gaya ni dating Comelec Chairman Christian Monsod, na walang masama sa panukalang vote buying ng kaniyang kandidato, dahil ang ganitong pagtanggap ng pera mula sa mga kumakandidato ay ipinayo na din noon pa man ng namayapa ng Jaime Cardinal Sin, ang dating arsobispo ng Manila Roman Catholic Church.

Sa argumento ni Monsod na kilalang kaalyado ng mga tinatawag na “dilawan” sa pulitika, kahit tumanggap ng pera ang tao bilang kapalit ng kanilang mga boto, hindi ito masama kasi ang perang ipinambibili ng boto ng mga kandidato ay mula din naman sa kaban ng bayan.

-ooo-

MGA BOTANTE, DAPAT SILIPIN KUNG ANG KANDIDATO AY DALAWA ANG ASAWA, O WASAK ANG PAMILYA, AYON SA BIBLE SCHOLAR: Sa palatuntunang “Boto ko, Sagrado” ng 1 Boto ko TV ng One Vote Our Hope Movement kaninang umaga ng Miyerkules, idiniin ng mga panauhin at tagapamahala doon na hindi na dapat pang suportahan ang mga nagsusulong ng mga tiwaling ugali o pagkilos sa mga halalan sa bansa.

Ayon kina Ginoong Rod Cornejo ng San Juan City at ng inyong lingkod, Atty. Batas Mauricio, at kina Pastor Jojo Gonzales at Bb. Aileen Papin Arcilla, main hosts, dapat ng itigil ang pagpili ng mga “lesser evil” candidates.

Sinabi nila na ang “lesser evil candidates” ay yung mga kandidatong tiwali at korap o di kaya ay mala-demonyo din, pero mas mababa ang pagiging masama kumpara sa ibang mga kandidatong totohanang mala-diyablo ang pag-iisip, pagsasalita, pagkilos, at pagkatao.

Nagpayo partikular si Ginoong Rod Cornejo na tingnan kung ang isang kandidato, lalaki man o babae, ay may buong pamilya, iisa lamang ang asawa, o di kaya ay maayos ang pagpapatakbo sa kanilang mga tahanan, negosyo, at hanapbuhay.

Idinagdag ni Ginoong Cornejo na kapag ang isang kandidato ay may dalawa o higit pang asawa, o wasak ang pamilya at may ibang inuuwian maliban sa kaniyang sariling kabahayan, o ang mga anak ay walang disiplina at walang narating na mabuti sa buhay, hindi sila dapat ibinoboto kahit pa gaano kadami ang perang ipinabibili nila ng boto, o o kahit gaano pa sila ka-popular dahil sila ay mga artista o kilala sa ibang larangan ng buhay.

-ooo-

MANOOD, MAKINIG: Kakampi Mo Ang Batas, www.facebook.com/attybatas, www.facebook.com/radyopilipino, YouTube.com/kakampimoangbatas, Radyo Pilipino stations nationwide, at mga affiliated radio stations ng Kiss FM network, Sunrise News network, PowerNews Broadcasting Network, 95.5. J FM network.