Advertisers
TAMA si pareng Raffy Tulfo sa kanyang suggestion sa Comission on Elections (ComElec) na dapat sumailalim sa drug test ang lahat ng kandidato para sa 2022 Elections.
Ito’y upang matiyak na ang lahat ng kandidato ay malinis ang utak sa mga ipinagbabawal na gamot. Para saka-ling palarin sila sa halalan ay makasiguro tayo na walang adik na nahalal ang taong bayan. Mismo!
Nito kasing mga nagdaang araw ay ilang kandidato sa pagka-alkalde ang naaresto ng mga awtoridad sa pagtutulak ng shabu. Kung sila ay sangkot sa pagbebenta ng nakakabuang na gamot, malamang na gumagamit din sila. Yes!
Si Tulfo ay kandidato sa pagka-Senador. Ang concerned niya na maging malinis sa iligal na droga ang lahat ng kumakandidato ay concerned din nating mga botante. Kaya aprub sa atin na isailalim sa drug test ang lahat ng nagna-nais maging halal na opisyal ng bansa. Let’s do it!!!
***
Inulan agad ng batikos ng mga kalaban sa politika ang kandidato sa pagka-presidente na si Vice President Lenie Robredo nang sabihin niya sa isang interview na tanggapin ang pera ng mga namimili ng boto, pero iboto ang tamang kandidato.
Sabi ng “panggulong” presidential aspirant na si Senador Ronald “Bato” dela Rosa, ito raw ay pagkonsinte sa vote buying.
How about ‘yung inanunsyo ng amo ni Bato na si Pangulong Rody Duterte na bibigyan niya ng sako-sakong pera ang kanyang mga kandidato para makasiguro ng panalo? Hindi ba ipinahihiwatig rin dito ni Digong na mamili ng boto para sure win sa halalan ang lahat ng kanyang kapartido?
Sa totoo lang, tama naman ang sinabi ni VP Leni. Kung binibigyan ka ng pera ng trapong kandidato, na hindi mo naman hinihingi, ay tanggapin mo pero bumoto ka ng tama. Dahil ang perang ibinibigay sa’yo ay malamang galing sa nakaw nitong traditional politician. Mismo!
Kaya ko binibigyang diin ang trapo ay dahil sila lang naman ang may kakayahan mamili ng boto dahil sa laki na ng kanilang nakulimbat sa tagal na nila sa puwesto. Gagawin nila ang lahat para hindi maalis sa kapangyarihan para tuloy ang kanilang panggagahasa sa kaban ng mamamayan. Mismo!
Again, aprub sa akin ang sinabing ito ni VP Leni: Tanggapin ang pera, iboto ang bulong ng konsensiya!!!
***
Ibinasura ni Senador Manny Pacquiao ang alok ng kapwa niya presidential aspirant na si Bongbong Marcos na maging running mate (Vice) nalang siya sa darating na Halalan ‘22.
Naniniwala si Pacquiao na masusungkit niya ang pinakamataas na puwesto sa politika, ang maging lider ng higit 110 milyong Pinoy.
Si Pacquiao ay malayo na pang-4 sa mga naglalabasang survey sa pagka-pangulo. Pero sa kanyang mga pag-iikot, nakikita ng Pambansang Kamao ang dagsa ng mga tao na kumakaway sa kanya, isinisigaw ang kanyang pangalan. Sabi nga ng kanyang running mate na si Buhay Partylist Congressman Lito Atienza, kung ang lahat ng taong pumupunta sa event ni Pacquiao ay boboto sa kanya, landslide ang kanyang magiging panalo sa Mayo 9, 2022.
Paano naman kasing hindi dumugin si Pacquiao e namumudmod ito ng P1K at supot ng goods. Busog ang mga dumadalo sa kanyang patawag unlike sa ibang presidentiables, gutom. Hehehe…