Advertisers
INANUNSYO ni Manila Mayor at Aksyon Demokratiko Presidential bet Isko Moreno na ang local government ay magsasagawa ng libreng online classes na magkakaloob ng pagsasanay sa lahat ng gustong pumasok sa food business matapos na mawalan ng trabaho dahil sa pandemya simula ngayong Lunes, Nov. 1, 2021.
Sinabi ni Moreno na ang programa na tinawag na “Manila EntrePinoy”, ay tatakbo mula Nov.1 hanggang 12 at bukas sa mga reaidente at hindi residente ng Maynila.
Inatasan ni Moreno si Bureau of Permits chief Levi Facundo na mamuno sa nasabing programa sa pakikipagtulungan ng Local Economic Development and Investment Promotions Office at Tinapayan Festival at PILMiCO Flour.
Sinabi ni Facundo na ang training program na magtatagal hanggang Nov.12 ay may 2,000 ng registrants.
Sinabi pa ni Facundo na ang mga participants ay tuturuang gumawa ng iba’t-ibang klase ng donuts sa Nov. 1 at 2; polvoron (shortbread cookie), Nov. 3 at 4; noodles, Nov. 5 at 6; piaya (unleavened flatbread), Nov. 7 at 8; hopia (mooncake), Nov.9 at 10 at siopao (steamed buns with fillings), Nov. 11 at 12.
Ayon pa kay Facundo, inilunsad ang Manila EntrePinoy dahil layunin nitong buhayin ang ekonomiya hindi lang ng Maynila kundi maging ng buong bansa.
Iniulat ni Facundo sa alkalde na sa kabuuang nagrehistro hanggang noong huling araw ng registration noong Oct. 31, ay 78.8 percent at nagmula sa Maynila habang 21.2 percent ay mula sa ibang siyudad.
Ang pinakapopular na klase o may pinakamaraming enrolees ay donut varieties na may 1,029 respondents o 76.6 percent, sunod ang siopao o steamed buns na may 855 respondents o 63.7 percent.
Kamakailan lang ay pinuri ni Moreno si Facundo, kasama si Electronic Data Processing chief Fortune Palileo na ayon sa kanya ay siyang dahilan kung bakit nakuha ng Maynila ang Best in Business Empowerment Award para sa GO Manila App end-to-end solution (2nd place, city level) sa katatapos na Digital Governance Awards 2021 na inorganisa ng Department of Information and Communications Technology (DICT). (ANDI GARCIA)