Advertisers
HABANG papalapit ang deadline na itinakda ng Comelec sa paghain ng kandidatura noong ikawalo ng Oktobre, lumakas ang panawagan sa hanay ng mga tagasuporta ni Bise Presidente Leni Robredo na lumaban sa pangulohan.
Lalo tumindi ang ingay nila nang unang maghain si Bongbong Marcos ng walang malinaw kung sino ang kanyang magiging bise. Bagaman nagpahayag si Sara Duterte na hindi tatakbo, hindi maialis ang duda na siya ay lalaban bilang pangalawang pangulo ni Bongbong Marcos. Hindi dapat paniwalaan ang pamilyang bulaan. Maigi na antayin ang Nobyembre 15 kung may katotohanan ang kaniyang sinasabi.
Marami ang hindi napakali sa pag-urong sulong ni Leni. Pakiramdam nila ay isang malaking kataksilan kung hindi sasabak si Leni sa pangulohan. Paniwala nila, walang nang ibang dapat mamuno kung hindi si Leni. Nakahinga ng maluwag sila nang sa huling sandali ay naghain siya ng kandidatura. Hindi malaman kung iyun ay bahagi ng kanyang istratehiya.
Nagkulay rosas ang bansa nang maghain ng kandidura si Leni. Let Leni lead ang sigaw nila. Nagsulpotan ang dati nang nananahimik at boluntaryong bumuo ng pink caravan sa halos buong parte ng bansa. Dito nila binuhos ang poot sa limang taon na pagmamalabis at pagmamalupit ni Rodrigo Duterte.
Ngunit hindi kami naniniwala na sapat ang ingay at pink caravan upang ikapanalo ang laban sa halalan kung saan sila sila ang nag-uusap at nagsasama-sama. Hindi ganoon kasimple ang halalan na laro ng mga tulisan at mapagsamantala. Marapat makarating ang kanilang mensahe sa kanayunan na walang social media.
Ihanda ang mga sarili at huwag magtaka kung ang mga kandidatong pakawala katulad ni Bong Go at Bato dela Rosa ay magsamasama sa linya ni Marcos at Sara.
Hindi na maaring maulit ang walang habas na patayan at matinding korapsyon sa ilalim ng tila bangag na pangulo sa katauhan ni Bongbong Marcos. Iyan ang dahilan kung bakit ang poot at galit ay nakatuon kay Marcos na tila manhid sa paratang na pamilya magnanakaw. Hanggang sa ngayon ay wala pa sinasasabi totoo ang kawan ng mga troll ni Marcos. Hindi nila masagot ng maayos ang mga paratang sa pamilya Marcos. Para sa kanila, Marcos pa rin.
***
MATIBAY ang amin paniniwala kay Sonny Trillanes. Bitbit niya ang bayag na isinisiwalat ang mga katiwalian ni Rodrigo Duterte. Hindi siya nakikitaan ng panghihina ng loob nang ihain niya halos mag-isa sa International Criminal Court ang libo libong patayan at pang-aabuso sa karapatang pantao na naganap sa ilalim ng hayup na hindi marunong magkatawang tao; Chel Diokno na nangakong tutuldukan ang Endo; at Leila De Lima na simbolo ng pakikipaglaban sa pang-aapi ni Rodrigo Duterte.
***
NAGMISTULANG asong nasukol si Presidential Spokesman Herminio Roque nang sugurin siya ng grupo ng galit na galit na Pinoy sa isang Restaurant sa New York USA. Si Roque ay nasa Amerika upang lakarin ang kanyang pagtatalaga sa International Law Comission. Maging ang ibang lider ng Filipino community at tutol sa pagtatalaga kay Roque. Inakusahan nila si Roque bilang isang war criminal. Paniwala nila ginastusan ng gobyerno ang naturang dinner ng halos isang milyon piso.
***
Email:bootsfra@yahoo.com