Advertisers
Nagpaalala si Senator Christopher “Bong” Go sa publiko na huwag maging kampante dahil hindi pa tayo nananaig laban sa COVID-19 kahit dahan-dahang niluluwagan ng gobyerno ang pandemic-related restrictions nito para makagalaw ang ekonomiya.
Binigyang diin ng senador na responsibilidad ng bawat isa na maging ligtas pa rin ang lahat sa pamamagitan ng pagsunod sa health and safety protocols.
Binanggit niya ang kahalagahan kung paano masusugpo ang pagkalat ng virus sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa pamahalaan na mabalanse ang pagpigil sa pandemya at pagbubukas ng ekonomiya.
“Habang lumuluwag ang mga patakaran dahil sa ating patuloy na pakikipag-bayanihan at mga epektibong hakbang na ating ginagawa laban sa pandemya, patuloy naman akong umaapela sa lahat na huwag magkumpyansa. Delikado pa rin ang panahon habang nandiyan pa ang banta ng COVID-19,” ayon kay Go.
“Maingat nating binabalanse ang pagbangon ng ekonomiya at ang proteksyon sa kalusugan ng lahat. Kaya habang unti-unti nating ibinabalik sa normal ang ating pamumuhay, huwag nating isawalang-bahala ang mga sakripisyong naipundar natin nitong nakaraang taon para marating ang puntong ito,” ang apela ng senador.
Lumilitaw sa datos na ang overall number ng bagong impeksyon at ng mga naoospital sa bansa ay bumaba na sa mga nakaraang linggo, dahil nasa higit 63.7 milyong doses na ng COVID-19 vaccines ang naiturok na sa ating mga kababayan, as of Nov. 6.
Kaya naman ibinaba ng pamahalaan sa alert status ang Metro Manila, ang hot spot ng pandemic, sa Alert Level 2 nitong November 5.
Sa ilalim ng Alert Level 2, ang mga lokal na negosyo ay maaari nang makapag-operate ng 50% sa indoor venue capacity sa fully vaccinated individuals at 70% outdoor venue capacity, kung ang kanilang manggagawa ay fully vaccinated na.
Ang amusement parks, cinemas, libraries, museums, parks, recreational venues at venues for social events ng wedding receptions at parties ay pinapayagan na rin magbukas.
“Ngayong ibinaba na ang alert levels sa maraming lugar lalo na sa Metro Manila, sikapin nating mapanatiling mababa ang bilang ng nagkakasakit sa pamamagitan ng patuloy na pagsunod sa mga patakaran at pagbabakuna,” sabi ni Go.
“Tandaan natin na hindi porke’t pwede nang lumabas at gumala ay hindi na tayo mag-iingat. Ang pagiging responsableng mamamayan at pagpapakita ng malasakit sa ating mga frontliners ang pinakamabisang ambag ng bawat isa sa atin tungo sa muling pagbangon ng ating bansa,” idiniin niya.