Advertisers
NAGBABALA ang Palasyo ng Malakanyang sa mga alkalde na sumasalungat sa mandatory face shield policy para sa mga ‘crowded at enclosed spaces.’
Kasunod ito ng pagpapatigil ng lungsod ng Davao, Manila, Iloilo sa pagsusuot ng face shield sa labas ng hospital setting.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang lahat ng alkalde sa bansa ay nasa ilalim ng kontrol at pangangasiwa ng pangulo kaya’t dapat masunod pa rin ang polisiyang pagsusuot ng face shield.
Aniya, matitigil lamang ang pagsusuot ng face shield kung ipag-uutos ito ng Inter-Agency Task Force (IATF).
Kasabay nito, umapela si Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa mga Local Government Units na hintayin muna ang desisyon ng IATF bago maglabas ng executive order kaugnay sa pagsusuot ng face shield.
Maglalabas pa lamang aniya ng updated recommendation ang mga eksperto hinggil dito bago ipresinta ng DOH sa pulong ng IATF sa Huwebes.
PAGGAMIT NG FACE SHIELD, PANAHON NANG IPAHINTO AYON SA ILANG SENADOR
Samantala sinuportahan naman ng ilang senador ang plano ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Eduardo Año na imungkahi sa Inter-Agency Task Force (IATF) na alisin o paluwagin na ang patakaran sa mandatory na paggamit ng face shield.
Ayon kay Sen. Joel Villanueva, panahon na para seryosong ikunsidera ang paghinto sa paggamit ng face shield.
Ikinatwiran pa ni Villanueva na hindi rin naman napatunayan na epektibo ang face shield sa pagpigil ng pagkalat ng COVID-19.
Giit naman ni Senate President Vicente “Tito” Sotto, noon pa niya kinukwestyon ang paggamit ng face shields sa bansa.
Diin ni Sotto, bukod sa dagdag itong gastos ay halos ang Pilipinas lang ang bansa na gumagamit ng face shields.
Sa kasalukuyang patakaran, obligado pa rin ang pagsusuot ng face shield sa Pilipinas sa tinatawag na “3 Cs” na kinabibilangan ng closed spaces, crowded areas at close-contact settings.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon mag-email lang sa balyador69@gmail.com.
Ugaliing makinig sa programang “BALYADOR” at “WALANG PERSONALAN TRABAHO LANG” mula lunes hanggang linggo 11:00am-12:00noon sa RADYO NG MASA entertainment net radio. tuwing sabado at linggo 12:00nn-12:30pm sa DWBL 1242 kHz am band, tuwing martes 9:30am RADYO NATIN 105.3 FM Pinamalayan at 10:00am RADYO NATIN 102.9 FM Victoria, tuwing huwebes 9:00-10:00am sa 96.9 FM RADYO NATIN Calapan City. Mapapanood livestreaming at Youtube live!