Advertisers
INSPIRASYON SA BUHAY: “… Una sa lahat, ipinapakiusap kong idulog ninyo sa Diyos ang inyong mga kahilingan, panalangin, pagsamo, at pasasalamat para sa lahat ng tao. Idalangin rin ninyo ang mga hari at maykapangyarihan, upang tayo’y makapamuhay nang matahimik, mapayapa, maka-Diyos at marangal…” (1 Timoteo 2:1-2, Ang Tanging Daan Bibliya).
-ooo-
PAGPAPATIGIL SA HALALAN 2022, AT PAGPAPATULOY BILANG PANGULO NI PANGULONG DUTERTE SA ILALIM NG REVOLUTIONARY GOVERNMENT, ISINUSULONG: Lumalakas ngayon ang mga panukalang dapat ipagpatuloy ng Pangulong Duterte ang pagiging pangulo ng Pilipinas sa pamamagitan ng kanyang pagtatayo ng isang revolutionary government, o rebolusyunaryong gobyerno, bago dumating ang Halalan 2022.
Sa hanay ng maraming mamamayan, kasama na ang marami sa media, online at mainstream, magiging mabuti para sa bansa na hindi muna matutuloy ang Halalan 2022, at manatili ang Pangulong Duterte sa pagiging pinuno ng gobyerno.
Kailangan nga lamang niyang alisin ang kasalukuyang sistema ng gobyerno, at palitan ito ng gobyerno kung saan ang lahat ng kapangyarihan ng pamahalaan ay nasa kaniyang mga kamay lamang, katulad ng ginawa ng Pangulong Marcos sa panahon ng Martial Law, at Pangulong Cory Aquino sa kaniyang “provisional government” noong 1986.
Ang pangunahing dahilan ng mga nagsusulong ng pagpapatuloy ng Pangulong Duterte bilang pangulo at ng hindi pagpapatuloy naman ng Halalan 2022 ay ang kawalan ng sapat na salaping pambayan upang tustusan ang isang pambansang eleksiyon sa Mayo 2022.
Sa mga naunang pagtaya ng Commission on Elections, sinabi nitong mangangailangan ang pamahalaan ng humigit-kumulang sa P42 bilyong piso upang gamitin sa nalalapit na halalan. Ang malaking problema ng Comelec sa isyung ito ay ang pagkakaloob sa kaniya ng P26 bilyong piso lamang, o halos kalahati ng hinihingi nitong P42 bilyon bilang election budget sa ilalim ng taunang budget para sa susunod na taon.
-ooo-
MGA PONDONG INILALAAN PARA SA MAY 2022 ELECTIONS, KAILANGANG GAMITIN MUNA PARA SA PAGLABAN SA COVID 19 : Tinatayang ang malaking bahagi ng P42 billion requested election budget ng Comelec ay gagamitin para sa “Covid 19-proofing” kumbaga ng mga presintong gagamitin bilang polling precincts.
Matatandaang hanggang sa ngayon, nananalasa pa din ng buong tindi ang nasabing pandemya, at bagamat ibinababa na ng gobyerno ang alert levels sa NCR at sa iba pang mga rehiyon dahil diumano sa pagbaba naman ng bilang ng mga nahahawa sa Covid 19 virus, wala pa ding katiyakan na ligtas na nga para sa mga mamayang botante ang sabayang tumungo sa mga lugar kung saaan sila boboto.
Sa ngayon pa lamang, nakikita na ng buong sambayanan na walang pakialam talaga ang mga Pilipino sa mga health protocols, partikular na ng social distancing, sa kanilang pagtungo sa maraming mga lugar matapos naging Alert Level 2 ang Metro Manila. Dahil dito, kailangang gumastos ang Comelec ng bilyon-bilyong piso upang tiyaking ligtas sa virus ang mga polling places.
Maiiwasan ang paggastos ng malaking pera para sa eleksiyon 2022, at matitiyak ang kaligtasan ng maraming Pilipino na dapat ay tutungo sa mga lugar ng botohan, kung hindi matutuloy ang halalan sa Mayo 22.
Ganundin, sa halip na sa eleksiyon gagastusin ang P42 bilyong election budget para sa Halalan 2022, maaari itong gamitin upang labanan ang Covid 19 virus, sa pamamagitan ng pagbili ng mas maraming bakuna o di kaya ay iba pang mga gamit ng mga frontliners sa mga ospital at medical facilities.
-ooo-
STALEMATE, O HINDI PAGKILOS, NG MGA SUPERPOWERS, US, CHINA, AT RUSSIA, SA REVOLUTIONARY GOVERNMENT NG PANGULONG DUTERTE, INAASAHAN: Hanggang sa ngayon kasi, ang bilang ng mga Pilipinong nabakunahan kontra sa Covid 19 virus ay nasa halos 50 milyong katao pa lamang, o wala pa sa kalahati ng kabuuang populasyon ng bansa na humigit-kumulang ay 115 milyon na.
Ang ikalawang dahilan kung bakit ipinapanukala ng marami ang pagpapatuloy ng panunungkulan bilang pangulo ng Pangulong Duterte sa susunod na ilang taon pa sa ilalim ng isang revolutionary government ay ang maliwanag na suporta sa kaniya ng sandatahang lakas ng Pilipinas, gaya ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police.
Nananatili ang matibay na suporta ng mga unipormadong Pilipino sa Pangulong Duterte dahil sa pagbibigay niya sa kanila ng mga mas matataas na sahod, at sa pagkakaloob niya ng mga sensitibong posisyon sa kaniyang pamahalaan sa mga retiradong military at police officers. Ganundin, nananatili ang mataas na tiwala ng halos 90 porsiyento ng mga Pilipino, sa Pilipinas man o sa ibang bansa.
Kung sakaling magdedeklara si Duterte ng revolutionary government, tiyak hindi tututol ang pulisya at militar, at ang nakararaming sambayanan, sa mga ganitong dahilan. Itinuturing ding malaking bagay ang kawalan na ng interest ng Estados Unidos o ng Amerika na makialam sa pulitika o sa pamumuno sa Pilipinas.
Bagamat isang malaking tulong pa din ang bansa sa Amerika laban sa anumang banta sa anumang seguridad nito ang pagiging kaalyado pa din ng mga Amerikano ng mamumuno sa Pilipinas, mahihirapan na itong direktang makialam sa mga halalan dito dahil nakapasok na din sa ating karagatan ang China, at, kaalyado na ng Pangulong Duterte ang mga pinuno ng China at Russia, mga kilalang katunggali ng Estados Unidos.
-ooo-
MANOOD, MAKINIG: Kakampi Mo Ang Batas, www.facebook.com/attybatas, www.facebook.com/radyopilipino, YouTube.com/kakampimoangbatas, Radyo Pilipino stations nationwide, at mga affiliated radio stations ng Kiss FM network, Sunrise News network, PowerNews Broadcasting Network, 95.5. J FM network.