Advertisers
HINIKAYAT ni Senator Senate Committee on Health chairman Christopher “Bong” Go ang bawat isa na maging isang bayani sa sariling kaparaanan sa pamamagitan ng pagpapabakuna upang hindi na kumalat ang COVID-19 at mailigtas ang buhay ng iba.
“Let us be heroes in our own way and put a stop to the spread of this virus by getting vaccinated. Hinihikayat ko ang lahat na magpabakuna lalo’t bukas na ang programa sa general population. Nasa datos naman na kung sino ang positibo at grabe ‘yung sintomas ay kadalasan sila ‘yung mga hindi pa bakunado,” ayon kay Go.
Kaya naman suportado ng senador ang pinagsanib na inisyatiba ng pamahalaan at pribadong sektor na layong pag-ibayuhin pa ang vaccination drive sa pamamagitan ng pagtuturok ng 5 million doses ng COVID-19 vaccines sa loob ng 3 araw.
Hinimok ni Go ang lahat ng sektor at eligible individuals na suportahan ang nationwide campaign na isasagawa sa November 29 hanggang December 1, para matulungan ang bansa na maabot ang target na mabakunahan ang 50% ng populasyon bago matapos ang taon.
“Ipakita natin ang malasakit sa ating mga frontliners at magpa-schedule na sa pinakamalapit ninyong vaccination site. Huwag kayong matakot sa bakuna dahil ito ang tanging solusyon para unti-unti na tayong makabalik sa ating normal na pamumuhay,” apela ni Go.
Ang pamahalaan ay nakapagturok na ng 64.2 million doses, as of November 7. Nasa 34.7 million individuals ang nakatanggap ng first dose habang 29.5 million Filipinos ang fully vaccinated.
Nauna rito, iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa lahat ng local government units na pabilisin ang kanilang vaccine rollouts sa pamamagitan ng pag-abot sa 5 million doses kada linggo.
Sinabi ni Go na kung mare-relax nang kaunti ang mga travel restrictions at ibang protocols, inaasahang maraming sektor ng ekonomiya ang mabubuksan.
Mas marami aniyang mga kababayan natin ang makapaghanapbuhay at makababalik sa kani-kanilang mga trabaho muli.
“Subalit dahan-dahan nating gawin ito. Maingat nating balansehin ang buhay at kabuhayan ng mga Pilipino. Huwag nating biglaing buksan lahat kaagad, baka naman tumaas ang bilang ng mga kaso at mahihirapan na naman ang ating healthcare system. Ayaw nating mag-back to zero na naman tayo,” ang babala ni Go.