Advertisers
Ni ARCHIE LIAO
SA isang panayam sa dating Quezon City Mayor Herbert Bautista, sinabi niya na masaya siya sa napabalitang engagement ni Kris Aquino kay dating DILG secretary Mel Senen Sarmiento.
“Masaya ako dahil yung peace and quiet … yun ang hinahanap niya eh. Happy ako sa kanya,” sey ng actor turned politician.
Hirit pa niya, wala rin daw siyang ideya na ikakasal na pala ang dating presidential sister dahil matagal na silang walang komunikasyon.
“Hindi ko alam na ikakasal na siya pero happy ako sa kanya. Hindi ko naman kasi sinusundan yung social media niya,” paliwanag niya.
Speaking of Herbert o Bistek, kumakandidato siya bilang senador para sa 2022 national elections sa ilalim ng tiket nina Panfilo Lacson at Vicente Sotto III.
Ayon kay Herbert, kapag nahalal siya, tututukan niya ang mga batas at mga programang mag-aangat sa kapakanan at kabuhayan ng mga Pinoy.
Magiging kaalyansa rin siya ng industriya para muling mapasigla ang showbiz industry.
Katunayan, boto siya sa pagbubukas muli ng mga sinehan sa buong bansa ngayong Nobyembre na lubhang naapektuhan ng pandemya.
May panawagan din siya sa theatre owners na bigyan ng prayoridad ang pagpapalabas ng local films sa mga sinehan para makabawi ang industriya.
Si Herbert na nanilbihan bilang three time mayor ng Quezon City noong 2010, 2013 at 2016.
Napakaganda rin ng kanyang track record sa serbisyo publiko mula pa noong 1986 na nagsimula siya bilang president ng Kabataang Barangay (KB) National Federation.
Naging konsehal din siya noong 1992 sa ilalim ng panunungkulan ni dating Mayor Ismael A. Mathay Jr. na naitalaga siyang chairperson ng City Council Committee on Tourism and Cultural Affairs.
Siya rin ang pinakabatang vice mayor na nahalal noong 1995 sa bansa.
Naging commissioner-at-large rin siya ng National Youth Commission sa ilalim ng termino ng dating Presidente Joseph Estrada.
Noong 2001, nahalal muli siya bilang vice mayor ng Quezon City ka-tandem si Mayor Feliciano “Sonny” Belmonte.