Advertisers
Inihahambing sa isang karnibal ang filing of Certificate of Candidacy(COC) dito sa Pinas na kung saan lumalabas na practice pa lang at hindi pa ganap na opisyal ang mga tinakbuhang posisyon ng mga kandidatong una ng nag-sumite ng kanilang C.OC. noong Okttubre 2 hanggang Oktubre 8,2021.
Magiging pinal lang ito hanggang sumapit ang Nobyembre 15,2021 na kung saan 1 buwan mahigit pa ang tinagal para malaman ng bayan kung sigurado na ang mga kandidatong ito sa kanilang posisyong tinakbuhan.
May hawig din ang filing of COC sa sugal na tong-hits at mahjong na kung saan inaabangan pa ang magiging tapon na baraha ng kalaban at kung ito ay mag-wiwithdraw na at hindi na ilalaban ang kanyang barahang tangan.
Mantakin niyong isang buwan na mahigit pa ang atin hihintayin para malaman natin kung talagang desidido na ang napipisil nating kandidato sa kanyang tatakbuhang posisyon, di po ba abalang malaki ito.
Sa loob ng mga araw at linggong dadaan at lilipas ay legal pa ang sinumang kandidato upang umatras at mag-withdraw ng kanilang kandidatura, pwede ring magpapalit o humanap ng kanyang kapalit at substitution.
Naguguluhan tuloy ang marami nating kababayan sa ganitong kalakaran na kung saan para bang nagpapakiramdaman pa at nagblu-bluffan pa ang mga kandidato na para bang nakiki pagsugal.
Ang ganitong istilo ay dito lang sa bansang Pilipinas nakikita at nagaganap, only in the Philippines lang daw he… he… he…
Talagang mistulang karnibal ang ginagawa sa atin ng mga kandidatong ito na para bang pinapasakay tayo sa tio-vivo o dili kaya ay sa roller coaster upang tayo ay mahilo o baka mawalan pa ng ulirat.
Ginagawa talaga tayong katawa-tawa at mga kenkoy ng mga ito para lang sa sarili nilang kapakanan at interes, higit sa lahat ay naghahanap lang ang mga ito ng magaan na laban na kung saan sila makakalamang. Ulot-ulot lang at karkulahan kumbaga sa sabong.
Dito niyo rin mararamdaman ang talagang magkakakampi at lehitimong magkalaban sa politika, dito niyo rin malalaman ang tunay na oposisyon.
Marami rin tayong natututunang mga aral dito tulad ng pagbibigay daan ng bawat isa at meron rin naman mga situwasyon na walang kinakailangan maging magka-apelyido at magkapamilya ang bawat isa.
Hindi na rin siguro pinag-uusapan dito ang relasyon sa bawat isa, ‘di po ba, wala talagang mahalaga at importante dito kundi ang manalo para sa sarili nilang interes at kapakanan.
Harinaway marepaso at mapag-aralan pang mabuti ng kinauukulan ang ganitong kalakaran partikular na sa filing of C.O.C.para hindi na maulit muli sa mga susunod pang eleksiyon.