Advertisers
CENTRAL MINDANAO – Nahuli sa entrapment operation ang nagpakilalang police colonel at nangikil sa isang alkalde sa probinsya ng Cotabato.
Kinilala ang suspek na si Ryan Calayan Maborrang, 33 anyos, ng Barangay General Luna, Carmen, Cotabato.
Ayon kay Chief of Police Major Maxim Peralta, nagpakilala ang suspek bilang si Police Colonel Joel Limson ng PRO-12 sa tanggapan ni Pikit Mayor Sumulong Sultan.
Nanghihingi si Maborrang ng halagang P50,000 kay Mayor Sultan kapalit ang pagsasagawa ng police operation laban sa katunggali nito sa politika.
Agad tumawag ni Mayor Sultan kay Major Peralta at nagsagawa ng mabilisang entrapment operation.
Nang iabot na ng mga pulis ang boodle money na P50,000, agad itong inaresto.
Sangkot ang suspek sa extortion activity at Awol sa serbisyo bilang sundalo.
Nakapiit na si Maborrang sa Pikit PNP at nakatakdang sampahan ng kaso.