Advertisers
HANGGANG kasalukuyan ay pumapalo lamang sa 70 megabites per second (mbps) ang takbo ng internet o broadband sa Pilipinas.
Natural, hindi matatawag na “speed” ang 70 mbps dahil ubod nang bagal ‘yan.
Nangako ang pamunuan ng Department of Information and Communications Technology (DICT) sa mga senador nang talakayin ang hinihinging badyet ng kagawaran para sa taong 2022 na paaabutin ng DICT sa 200 mbps ang takbo ng internet sa bansa sa Pebrero,2022.
Pokaragat na ‘yan!
Ang pinaaaprubahan ng DICT sa Senado na badyet na itinakda ng Department of Budget and Management (DBM) ay P6.47 bilyon.
Ang ipinangako ng DICT na 200 mbps ay magaganap lang sa National Capital Region (NCR), Region 1 at ilang parte ng Region 2.
Pokaragat na ‘yan!
Kapiraso lang pala ito ng napakaraming rehiyon ng bansa mula sa uluhan ng Luzon hanggang talampakan ng Mindanao.
Ang inaasahang ‘pag-unlad’ ay proyektong nakapaloob sa National Broadband Plan (NBP) ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Kahit maliit pa lamang ang gagawin ng DICT hinggil sa pagpapatupad ng NBP, todo-suporta ang Senado sa nasabing plano, pahayag ni Senadora Mary Grace Poe.
Bilang patunay na malaki ang suporta ng mga senador sa NBP, itinaas nila sa P9.5 bilyon ang badyet ng DICT sa 2022.
Pokaragat na ‘yan!
Pustahan tayo, masaya ng-masaya ang liderato ng DICT sa P9.5 bilyon.
Si Senadora Poe ang puspusang kumilos upang mangyari ‘yan, sapagkat labis siyang naniniwala sa estratehikong papel ng mabilis at mataas na kalidad na internet sa ekonomiya, sa pangkalahatan, at sa pag-aaral ng mga mag-aaral, sa partikular.
Sabi nga ni Poe: “ang internet, tulad ng kuryente, ay susi sa trabaho, paglago ng ekonomiya at pag-angat ng estado ng buhay (ng mga mahihirap na Filipino) habang tayo ay bumabangon mula sa (hagupit ng) pandemya (ng coronavirus disease – 2019)”.
Walang dudang totoo ang pananaw ng mambabatas dahil halos lahat ng aspeto sa ekonomiya at buhay ng mga tao ay nakakonekta sa internet.
“Malaki ang maitutulong ng mabilis, maaasahan at murang internet sa mga kanayunan upang makabangon mula sa pandemya”, dugtong ni Poe.
Kaya, kapag maging batas na ang hinihinging badyet ng administrasyong Duterte para sa susunod na taon kung saan kasama iyong sa DICT ay sana mabilis at maaasahang tutuparin ng naturang kagawaran ang pangakong 200 mbps sa Pebrero 2022 sa NCR, Region 1 at ilang bahagi ng Region 2.
Atupagin din ng DICT ang nabanggit ni Poe na murang internet upang hindi mamura ng mamamayan ang DICT.
Babantayan ko ang isyung ito dahil apektado rin ako ng napakabagal na internetng mga higanteng korporasyon.