Advertisers
IPINAYO ni Senator at presidentiable Christopher “Bong” Go na mas makabubuting gawing opsyon ang “hair test”, sa halip na urine at blood test sa mga kandidato, upang mapatunayang wala sa kanilang gumagamit ng iligal na droga.
Sa kanyang panig, sinabi ni Go na nakahanda siyang sumailalim sa drug testing para patunayang kuwalipikado siya para maging pangulo ng bansa.
“Ako naman po willing magpa-drug test anytime of the day. Anytime po kung kakailanganin. Kahit di mandatory pero just to prove lang po sa Pilipino kung sino ‘yung fit na mamuno sa ating bansa ay willing po akong magpa-drug test any time of the day po,” ani Go matapos niyang bisitahin ang Malasakit Center sa Dr. Jorge Royeca Hospital sa General Santos City.
Naunang sinabi ni Go na walang dahilan upang hindi niya isumite ang sarili sa voluntary drug test, sa pagsasabing gagawin niya ito para sa sambayanang Filipino.
“I walk the talk. The campaign against illegal drugs is part of my campaign platform,” sabi ni Go.
Maaalalang ibinunyag ni Pangulong Rodrigo Duterte na may isang presidential candidate na cocaine user. Bagama’t hindi tinukoy ang pangalan, sinabi ni Duterte na ang naturang kandidato ay popular at mula sa mayamang pamilya.
Sinisiyasat na rin ng Philippine National Police ang alegasyon ng Pangulo para malaman ang pagkakakilanlan ng kandidato.
Sinabi ni Go na karapatan ng bawat Filipino na malaman kung ang mga kumakandidato ay malinis at negatibo sa mga iligal na bisyo gaya ng droga upang sila ay maging mabuting halimbawa, lalo sa paglilingkod sa bayan.
“Let us prove to our people na fit tayong mamuno ng ating bansa,” ani Go kaya isinuhestyon niya na isagawa ang “hair test” bilang pinakamagandang opsyon kaysa urine o blood test sa pagtiyak na ang isang kandidato ay totoong hindi gumagamit ng droga.
“Katulad ng sinabi ko noon, karapatan ng mga mamamayang Pilipino malaman na malinis ang mga kandidato bago sila pumili ng mga mamumuno sa kanila. Wala dapat tinatago para makapili ng tama ang taumbayan,” idiniin ng senador.
Kung mahahalal, sinabi ni Go na ang kanyang administration ay ipagpapatuloy ang kampanya ni Pangulong Duterte laban sa korapsyon, kriminalidad at iligal na droga.
“This is crucial in creating an environment conducive for business, where everyone will feel safe,” ayon sa mambabatas.
“Tanungin natin ang mga kababayan natin kung nakakalakad ba sila ng ligtas sa gabi. Tanungin natin ang mga trabahante, lalo na ang mga OFWs, kung panatag sila na ligtas ang kanilang mga anak habang sila ay nagtatrabaho sa malalayong lugar. Tanungin natin ang mga magulang kung naging mas maayos ba ang kanilang pamilyang dating winasak ng iligal na droga,” ani Go.
“Ipagpapatuloy natin ang laban na ito upang mabigyan ng mas ligtas, maginhawa, at komportableng buhay ang ating mga anak,” paniniyak niya.