Advertisers

Advertisers

Kasalanan ng DepEd sa napakasamang iskor ng “learning poverty” ng Pilipinas

0 555

Advertisers

SA mga ‘di pa nakakaalam, hayaan ninyong ibalita ko sa inyo ang resulta ng pinakabagong pag-aaral ng World Bank ukol sa “learning poverty” sa Rehiyong Southeast Asia.

Ayon sa World Bank, umabot sa siyamnapung porsiyento ang antas ng learning poverty.

Ang kahulugan ng learning poverty ay hirap magbasa at hindi rin kayang unawain ang simpleng paksa ng estudyanteng nasa 10 taong-gulang.



Ang iskor na 90 porsiyento ay higit na masahol kumpara noong 2019 kung saan 69.5 porsiyento ang antas ng learning poverty sa bansa, ayon sa World Bank.

Pokaragat na ‘yan!

Sa simpleng pagbibilang, ang 90 porsiyento ay nangangahulugang siyam sa bawat sampung mag-aaral na umabot na sa 10 taon ang edad ay hirap na hirap magbasa at hindi nauunawaan ang binabasa.

Grade 4 na ang ganyang bata.

Nababahala nang labis si Senador Sherwin Gatchalian nang mabatid niya ang ulat ng World Bank.



Mayroon siyang gagawing kongkretong hakbang laban sa learning poverty.

Mukhang ayos itong si Gatchalian.

Ang solusyon ng senador ay nakalagay sa Senate Bill No. 2355 na patungkol sa pagbubuo ng Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL).

Puntirya ng panukala ang tinatawag na “most essential learning competencies” sa wika at matematika para sa mag-aaral sa Grade 1 hanggang Grade 10 at Agham para naman sa mga mag-aaral sa Grade 3 hanggang Grade 10.

Kasama rin sa panukalang batas ang pagpapahusay sa mga mag-aaral na matutong magbasa nang wasto at kawili-wili — at siyempre dapat maunawaan nila ang kanilang binabasa upang magkaroon ng katuturan ang pagbabasa.

Bilang Doctor in Education, napakalaking usapin para sa akin ang 90 porsiyentong marka ng learning povery ng mga estudyanteng umabot na sa edad sampu.

Nakababahala ito dahil maliwanag sa pag-aaral ng World Bank na sumadsad ang antas ng mga mag-aaral na inabot na ang ikaapat na baitang sa elementarya.

Kasalanan ito ng pamunuan ng Department of Education (DepEd), sa pamumuno ni Secretary Leonor Magtolis Briones.

Nagsimulang maging kalihim si Briones ng DepEd noong Hulyo 2016.

Walang tumutol sa kanya, lalo na sa aming mga naging estudyante niya sa Master of Public Administration (MPA) sa University of the Philippines (UP) sa Quezon City, sapagkat labis-labis ang paghanga namin sa kanya.

Mahusay siyang guro sa badyet at pamamahala sa salapi o pondo.

Ngunit, lumilitaw ngayon na hindi umubra ang husay ni Sec. Briones at ng mga undersecretary sa paglutas ng problema sa learning poverty.

Nangangahulugang hindi tiniyak ng liderato ng DepEd na bigyan ng pokus ang pagkatuto ng mga mag-aaral mula Kindergarten hangganga Grade 4 na magbasa at maunawaan ang kanilang binabasa.

Ang totoo, naranasan ko rin ang suliranin ukol sa kahirapan ng mga mag-aaral magbasa at unawain ang kanilang binabasa sa English at Filipino, sanantalang kolehiyo na ang mga naging estudyante ko.

Kailangan talagang malutas at mawakasan ang suliranin natin sa learning poverty.