Advertisers
Inanunsyo ni Tagbilaran City Mayor John Geesnell Yap II na ibibigay niya kay Senator Christopher “Bong” Go ang kanyang buong pagsuporta sa pagsasabing hinahangaan niya ang kandidato sa pagkapangulo sa pagsisikap na matulungan ang mga mahihirap at biktima ng kalamidad sa Bohol sa kabila ng mga limitasyon na dulot ng COVID-19 pandemic.
Sa isang panayam, sinabi ni Yap na susuportahan din niya si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio bilang kandidato sa pagkabise-presidente o ang Go-Duterte-Carpio tandem sa 2022.
“(Si Senator Bong Go) talaga ang ating kandidato pagka-presidente at ang ating vice president ay si Mayor Sara Duterte. Iyan ang dadalhin natin sa Tagbilaran City… Kung Bohol at Tagbilaran lang ang pag-uusapan, napakalaking tulong ang naibigay ni Senator Bong Go sa ating probinsya… hindi pa nga natatapos ang pag-iikot ng kanyang team sa iba’t ibang mga bayan,” ani Yap.
“Kung Tagbilaran ‘yung pag-uusapan, tayo ang unang may Malasakit Center (sa Bohol). ‘Yung mga financial assistance pati medical assistance, ‘yung COVID-19 response assistance ay kanya ring ibinigay. ‘Yun rin para sa mga barangay officials every December, lagi nandiyan at hindi niya kinakalimutan ang ating siyudad,” patuloy ng alkalde.
Nilinaw ni Yap na ang pagsuporta kay Go ay sariling desisyon ng kanyang grupo sa city level.
Habang hindi pa nakakausap ang provincial leaders ng Pundok Padayon Bol-anon coalition, idiniin ni Yap na ang desisyon ay hiwalay sa kung ano o sinoman ang iendorso ng coalition.
“‘Yung sa atin lang, ang ating susuportahan ay ang grupo ni Senator Bong Go and Mayor Sara Duterte para sa ating national level,” idinagdag ni Yap.
Lubos namang pinasalamatan ng senador si Mayor Yap at ang kanyang grupo sa pagsuporta sa kanyang kandidatura sa pagsasabing patuloy rin niyang susuportahan ang crisis response at recovery efforts ng Tagbilaran City sa gitna ng pandemya.
“Maraming salamat kay Mayor Yap at sa mga kapatid kong Pilipino para sa inyong patuloy na pagtitiwala at pagsuporta sa amin ni Pangulong (Rodrigo) Duterte. Ang importante ngayon ay ang serbisyong ibinibigay natin sa taumbayan—kung papaano natin sila maibabangon sa kahirapan, papaano maiiwasan ang gutom, at papaano maipagpapatuloy ang pag-unlad ng ating bayan.”
“Nasa Pilipino ang desisyon pagdating ng panahon. Ako naman, mula noon hanggang ngayon, ang prayoridad ko ay ang tumulong sa mga nangangailangan. Hindi ko sasayangin ang pagkakataon na ibinibigay sa akin ng taumbayan na magserbisyo sa aking kapwa. Kapalit ng inyong tiwala, ibabalik ko sa inyo ang serbisyong may malasakit, tunay at nararapat,” pangako ni Go.