Advertisers
HINDI magdadalawang-isip na sampahan ng kasong plunder (pandarambong) ng siyam na Bokal ng lalawigan ng Quezon si Gobernador Danilo “Danny” Suarez kung itutuloy niya ang pagpapatupad at paggamit ng mahigit P4.1 bilyong badyet ng panlalawigang pamahalaan para sa taong 2021.
Ngayon ay Nobyembre 29, 2021.
Kaya, higit isang buwan na lang tapos na ang 2021.
Isinapubliko ng siyam na Bokal ang kanilang gagawing aksyon laban kay Suarez makaraang ihayag ng gobernador na handa siyang ipatupad at gamitin ang higit P4.1 bilyong badyet ng pamahalaang panlalawigan para sa taong kasalukuyan matapos na ‘ipasa’ ito ng Sangguniang Panlalawigan kamakailan.
Kung itutuloy ni Suarez, nangangahulugang gagamitin ng kanyang administrasyon ang bilyun-bilyong kuwartang galing sa mamamayan ng Quezon sa panahong magaganap ang pambansa at panglokal na halalan sa Mayo 9,2022.
Pokaragat na ‘yan!
Ang tanong ko sa mamamayan ng Quezon: “Tama ba ang gagawin ni Gobernador Danny Suarez?”
Maliban kay Suarez, isasama sa kaso ang iba pang opisyal ng pamahalaan ng Quezon.
Ayon sa siyam na miyembro ng Sanggunian, sa pangunguna ng majority leader na si Bokal Sonny Ubana, gagawin nila ang pagsasampa ng kaso sa hukuman laban kina Gobernador Suarez at mga department heads ong kapitolyo sa oras na gamitin ng mga ito ang annual budget.
Tutol ang grupo ni Obana sa plano ng administrasyon ni Suarez dahil hindi pa nariresolba sa hukuman ang usapin hinggil sa napabalitang kaduda-duda at kuwestyonableng pagpasa ng minoryang pangkat ng mga Bokal sa mahigit P4.1 bilyong badyet ng panlalawigang pamahalaan para sa taong 2021.
Matatandaan na ang panukalang 2021 Annual Budget ay hindi inaprubahan ng mga bumubuo ng Majority Bloc ng panlalawigang konseho dahil sa anila’y pagiging depektibo at kwestyunable nito.
Subalit, kamakailan lamang ay inaprubahan din ito ng apat na mga Bokal na bumubuo ng Minority Bloc sa isang special session makaraan na ang walong Bokal ay sinuspinde ng Office of the President (OP) , sa pamamagitan ng Department of the Interior and Local Government o DILG.
Pokaragat na ‘yan!
Bilang reaksiyon, ang mga nasuspindeng Bokal ay nagharap ng petition sa husgado dahil sa anila’y ilegal na pagdadaos ng dalawang special session ng apat na Bokal at ng Vice- Governor at ilegal na pag- aapruba ng mga ito sa annual budget para sa 2021 at 2022.
Subalit sa kabila nito, pinaninindigan ng gobernador na legal ang ginawa ng mga kaalyado niya sa konseho. Agad din siyang nag- anunsyo sa publiko na itutuloy niya ang paggamit sa pondo at nangako sa mga kinauukulan na kanila na itong mapapakinabangan sa lalong madaling panahon.
“Nasa pagpapasya ni Gov. Suarez kung itutuloy niya ang paggamit sa annual budget kahit nagsampa na kami ng petisyon sa mga hukuman upang linawin ang legaledad nito. Kung itutuloy niya, kami naman ng walo kong kasamahang Bokal sa Majority Bloc ay magsasampa ng kasong plunder laban sa kanya at sa kanyang mga department heads na susunod sa mga iuutos niya para ma release at magamit ang budget”, wika ni Bokal Ubana.
Matatandaan na bukod sa anak ng gobernador na si dating Gov. Jayjay Suarez, ilang department heads sa kapitloyo ang nahaharap din sa mabibigat na kaso.
Sila ay sina Provincial Accountant Evangelina Ong, Provincial Treasurer Rosario Marilou Uy, Provincial Budget Officer Diego Salas, at Provincial Agriculturist Roberto Gajo.
“Hindi namin gustong madamay sa mga kaso ang mga department heads ng kapitolyo subalit kailangan naming gawin ang tama upang protektahan ang pondo ng lalawigan”, wika pa ni Ubana.