Advertisers
KAHIT ang ilan sa ating mga opisyal ng pamahalaan o mambabatas pa, ay biglang nagbabago ang posisyon sa isyu ng Barangay Development Program (BDP), mas hinahangan ko ang mga gobernador at mga mayor na tahasang tumututol sa pagpapatigil o kaya naman ay pagbabawas ng pondo ng BDP.
Sila ang mga di nagbabago ang posisyon kung isyu ng BDP ang usapan . Kapansin- pansin naman ang patuloy na pagdami ng mga tutol sa pagpapatigil ng BDP o tapyasan ang budget nito. Patuloy pa nga ang panawagan ng ating mga gobernador at mga mayor na huwag namang gawin ito.
I-share ko na muna sa inyo ang posisyon ni Abra de Ilog Municipal Mayor Eric Constantino ng Occidental Mindoro. Para sa alkalde ng fifth class na munisipalidad, ang BDP ang magsasalba sa pinakamahihirap at pinakamalalayong barangay na kanyang nasasakupan.
Ang sabi ni Mayor Constantino, ngayon pa na nababalitaan nilang inililipat na ng mga pesteng komunistang-teroristang New People’s Army (NPA) ang headquarters nito mula sa probinsiya ng Quezon at Laguna sa kanilang probinsiya, nararapat lang na ipagpatuloy ang BDP sa kanilang lugar upang di na makapamugad sa kanilang probinsiya ang mga NPA.
Sa ganitong paraan kasi mas maiintindihan daw ng kanyang mga nasasakupan na talaga palang pinagmamalasakitan sila ng kanilang pamahalaan. Bukod sa pinangangalagaan ng mga tropa ng Sandatahang Lakas laban sa mga komunistang-terorista, naka-alalay ang pamahalaan na ibigay ang mga pangunahin nilang pangangailangan sa pamamagitan ng BDP.
Malaking kaginhawaan ang P20 milyong piso sa kada barangay na manggagaling sa BDP na pinamamahalaan ng National Task Force to End Lower Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC). Nasasabi ng mga residente ng barangay kung ano ang gusto nilang unahin kung sila ay may pondong galing sa BDP, gaya ng kalsada, silid paaralan, patubig at sanitasyon o kaya naman ay livelihood projects.
Kaya naman, si Bohol Governor Arthur Yap ay ganun din ang posisyon. Sa kabila raw ng pagsusumikap na paunlarin ang kanyang rehiyon sa larangan ng turismo, ang mga naiwang malalayong mga barangay sa kanyang lugar ay ganun pa din – lugmok sa hirap. Ngunit kung mababahaginan ng BDP ang mga barangay na ito, makakasabay sila sa pagpapaunlad ng turismo ng Bohol.
Eh di lalo na si Eastern Samar Governor Ben Evardone na alam na alam ang i-style ng mga tutol sa BDP o nagbabalak na tapyasan ito. Para kay Gov. posturang pamomolitika lang daw ito, lalo na ang dahilan ng iba bakit di na lamang gugulin ang pondo ng BDP sa paglaban sa pandemiya ng Covid-19.
Ang pandemiya raw ng pamemeste ng mga komunistang-terorista ay mas matagal na, kaya’t kailangan ng tapusin.
Mismong si Davao Oriental Governor Nelson Dayanghirang ay nagsabi din na masasayang ang mga nasimulang proyekto na galing sa BDP sa kanyang lugar kung ititigil nga o babawasan ang BDP.
Huwag nga naman nating ipagkait ang kaunlaran at kapayapaan sa ating mga kababayaan sa malalayo at mahihirap na barangay sa mga kanayunan na pinepeste lamang ng mga komunistang-terorista.