Advertisers
NOONG nagdaang November 23, 2021 ginunita ng sektor ng mamamahayag ang ika-12 taon ng karumal-dumal na pag-yurak sa media at pagpatay sa napakalaking bilang ng mga miyembro nito, dahil lamang sa nahirating paghahari-harian sa Maguindanao.
Tinaguriang Maguindanao Massacre noong November 23, 2009, kung saan 58 katao kabilang ang 31 media practitioners ang pinaslang ng tinatayang nasa 100 armadong tauhan ng angkan ng mga Ampatuan na siyang namamahala pa sa probinsiyang Maguindanao.
Napatay ang mga biktima dahil sa paghahain ng kandidatura ng pomusturang kalaban na si Esmael “Toto” Mangudadatu bilang gobernador. Hindi siya sumama sa lakad na iyon, ngunit hinarang at pinagbabaril pa rin ng mga tauhan ng mga Ampatuan ang convoy ng asawa ni Mangudadatu sa Barangay Salman, Ampatuan, Maguindanao.
Pagkatapos pagpapatayin ay ibinaon pa sa lupa agad-agad ang mga bangkay ng mga biktima kasama ang kani-kanilang mga sasakyan. Ang masaker na ito ang di lamang yumurak sa hanay ng media. Maging mismong bayan nating Pilipinas ay nasali sa listahan ng mga pinaka-delikadong lugar para sa mga mamammahayag sa buong mundo.
Mantakin niyo ang idinulot na kahihiyan niyan sa ating bayan. Dahil lamang sa paghahangad na magpatuloy ang kanilang paghahari-harian, nakahandang pumatay ang mga nasanay nang mamuhay ng dahil sa pulitika.
Mainam at alam ito ni Pangulong Rodrigo Duterte na siyang bumuo sa Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) sa pamamagitan ng kanyang kauna-unahang Administrative Order nang siya ay maging pangulo noong 2016.
At magmula noon, tinutukan na ng PTFoMS ang kaso at maging ang kalagayan ng mga mamamahayag sa bansa. Pinalad naman tayo, dahil noong December 19, 2019, naging tila napaka-gandang regalong pamasko para sa mga naulila ng masaker, ang hatol na iginawad ni Quezon City Regional Trial Court Judge Jocelyn Solis-Reyes sa mga suspek na napasakamay ng batas, ang habang-buhay na pagkakabilanggo.
Walong miyembro ng pamilyang Ampatuan at dalawampung iba pa ang ginawaran ng 57 bilang ng murder cases at nahatulan ng habang-buhay na pagkakabilanggo nang walang parole. 15 pa ang nahatulan naman ng 6-10 pagkakakulong bilang mga accessories sa krimen.
Mayroon pang mga pinaghahanap. At bilang namumuno sa PTFoMS nangangako ang aming buong grupo na di namin kayo tatantanan hanggang malambat kayo ng ating mga alagad ng batas.
Di namin lulubayan ang pagtutok sa paghahanap sa inyo ng mga alagad ng batas, upang masiguro naming maibibigay ang hustisya sa mga pamilya ng mga biktima ninyo sa Maguindanao Massacre.