Advertisers
Pinaalalahanan ni Senate Committee on Health and Demography chairman Senator Christopher “Bong” Go ang taongbayan na maging maingat, mapagbantay at sumunod sa mga ipinatutupad na health and safety protocols dahil nahaharap na naman ang bansa sa banta ng Omicron COVID-19 variant.
“Huwag muna tayong makumpiyansa dahil delikado pa rin ang panahon lalo na at may mga bagong variant ng COVID-19 gaya nitong Omicron,” sabi ni Go.
“Sayang yung naumpisahan natin — ang magandang takbo ng ating COVID-19 response at vaccine rollout — kung magiging kampante muli tayo,” idinagdag niya.
“Sumunod tayo sa mga patakaran at magtiwala tayo sa payo ng mga eksperto at otoridad na wala namang ibang hangarin kundi ang kapakanan ng buong sambayanan,” iginiit ng senador.
Ang bagong Omicron variant ay unang iniulat ng World Health Organization na nagsimula sa South Africa noong November 24. Ayon sa WHO, ang Omicron ay may kakayahang magparami sa isang hawaan lamang kaya iniingatan ito ngayon ng mga awtoridad na kumalat.
Ang kasalukuyang bakuna ay ginawa base sa orihinal na Wuhan strain at kaiba sa Omicron variant, kaya ibinabala ng mga eksperto na posibleng hindi tumalab sa bagong variant.
Kaya bilang tugon, ibinawal muna ng gobyerno ang mga biyahe mula sa South Africa, Botswana, Eswatini, Lesotho, Mozambique, Namibia at Zimbabwe hanggang December 15 para maiwasan ang pagpasok ng Omicron variant sa bansa.
Inaaral na rin ng Department of Health kung palalawigin ang travel ban.
Muli ring iginiit ni Go ang kahalagahan ng disiplina at bayanihan para malabanan ang COVID-19 at bagong kumakalat na variants.
“Bilang Chair ng Senate Committee on Health, lagi kong pinapaalala sa ating mga kababayan na ang pinakamalaking bahagi ng bayanihan ay ang ating sariling pag-iingat at disiplina upang maiwasang bumagsak ang ating health system.”
“Ang ating kooperasyon ay tulong natin sa ating health workers na binubuwis ang kanilang sariling buhay para makapagligtas ng buhay ng iba,” ayon sa senador.
Samantala, kasama ni Senator Go si Pangulong Rodrigo Duterte, at iba pang government officials sa SM City Masinag sa Antipolo City, Rizal nang simulan ang “Bayanihan, Bakunahan National COVID-19 Vaccination Days”.
“This is our single biggest push to fast track vaccinations … By the end of 2021, we expect to fully vaccinate a total of 54 million Filipinos. We also aim to inoculate 80 percent of the population of minors aged 12 to 17 years and complete the booster shots for those belonging to A1, A2 and A3 sectors,” pahayag ng Pangulo.
“This multisectoral event is a resounding expression of our bayanihan spirit which coincides with the nation’s observance of Bonifacio Day on November 30. Indeed, the heroic example of Andres Bonifacio’s courage resonates in each of us as we work together to fast track and intensify our efforts to overcome this pandemic,” aniya pa.
Sinabi ni Sen. Go na patunay ito na patuloy na sinisiguro ng gobyerno na pangalagaan ang kalusugan at kaligtasan ng bawat Pilipino.
Aniya, dahil sa bayanihan ay unti-unti nang nakababangon ang bansa mula sa epekto ng pandemya tuluyan nang manumbalik ang sigla ng ating bayan.
“Ito pong handog na ‘Bayanihan, Bakunahan’ ang isa sa mga paraan upang hikayatin ang ating mga kababayan na magpabakuna. Handa ang ating gobyerno. May sapat na supply na tayo ng bakuna,” ani Go.