Advertisers
ANG haba ng Sierra Madre at ang lawak ng kalupaan ng Mindanao masasabing mayaman ang bansa sa likas yaman na paghuhugutan ng pangangailangan ng Pilipino. Totoo na ang mga lugar na ito’y pinamumugaran ng iba’t – ibang lahi ng Pilipino. Makikita ang angkin katangian na masasabing likas na mayaman na kayang bumuhay ng bansa lalo ang mga katutubong daan taon na naninirahan dito. Hindi iniinda ang pisikal na pangangailangan dahil tuwiran ang pagkalinga sa kanila ng likas na kabundok.
Sa bawat panig ng nasabing kabundukan, mababatid ang mga Aeta, Dumagats at maging ang mga Mangyan ng Mindoro na patuloy na naninirahan. Sa totoo lang marami sa kanila ang bumaba sa kalunsuran upang mamuhay ng tulad ng ordinaryong Pilipino na nakikipagsapalaran sa hirap ng buhay sa kalunsuran. Sa kalagayan ng pakikisapalaran sa kalunsuran, hindi nalalayo ang karanasan ng mga katutubo sa Mindanao na bumaba’t sumubok ng buhay kanayunan. Sa paghahanap ng makabagong pamumuhay, may mga grupo ng katutubo ang nagtiis na manatili ng hindi masira ng pag-unlad ang lugar na kinamulatan, at hinadlangan ang pag-unlad na sumisira sa kabundukan.
Sa mga katutubong sumubok sa kalunsuran, dinanas at hindi nakayanan ang bagong uri ng kabuhayan, gawi, kaugalian, kultura, klima, maging ang panlalait sa kaalaman. Sa kaayusang ito, malinaw ang kahirapang umangkop sa mga bagong sistema ng buhay ang nagdikta na bumalik sa kabundukan at sumama sa mga nanatili. Sa mga nanatili at bumalik sa lugar na kinalakihan, ipagpapatuloy ang tradisyon na kinamulatan, isang malaking hakbang ito na dapat kilalanin ng sinuman lalo ng mga mananaliksik mula sa kultura hanggang medisina ang ambag sa pag-unlad ng bawat sangay ng kagalingan lalo ang ambag sa lipunan na ginagalawan.
Angkop na dapat bigyan pagkilala ang ambag ng mga katutubo sa pag-unlad ng lipunan sa lahat ng aspeto ng buhay, lalo sa kultura, medisina, maging sa batas. Maraming Antropologo ang dumadayo, nakikipamuhay o nakikipanirahan sa mga katutubo upang malaman ang angking galing nito sa iba’t ibang larangan ng buhay. Nababatid ang mga iba’t – ibang paraan kung paano hinaharap ng mga katutubo ang mga usapin o suliranin na di kailangan ng malalim na paraan upang solusyunan.
Ang pagtatala’t pagdokumento sa paraan ng pagharap paglalatag ng solusyon sa usapin, lumalabas na maayos at ito ang tamang hakbang. Ang tanong: nabigyan ba ng tamang pagkilala ang mga gumanap, malinaw bang naisulat ang pamamaraan at kung paano nasagot o inaayos ang usapin? Sa paghahayag ng pinagmulan ng impormasyon, ang ‘di nakasulat ng paraan ‘nabibigyan ba pagkilala ang mga ito? O isang pahayag lamang sa karanasan ng nagdokumento at dito maibibigay ang pagkilala, paano na ang pinagmulan, isang walang mukhang pinagmulan? O’ lubusang walang pagkilala at ang ginawa ang nabigyan diin hindi ang gumawa?
Sa isang pag-aaral at pagsisikap na kilalanin ang ambag ng mga katutubo lalo sa pagpapayaman ng kaalaman, nabangit ni Ms. Lisa White ng University of California, sa Berkeley na dapat mapasama ang mga pa-usal na mga saligan lalo’t galing sa mga katutubo na hindi gawi ang sumulat sa halip gamit ang pasalitang mga paghahayag at kagalingan. Dala ang tunay na yaman ng katutubong kaalaman, ang pagkilala sa mga pausal na kaalama’y kailangan itala ng mabuo ang larawan kung paano nararating o kung paano nakapasok sa konklusyon. Sa tradisyon ng pagkilala sa pagtatala ng saligan, mahirap na kilalanin ang mga pausal na pinanggalingan ng datos lalo’t sa pangalan pa lang ng pinanggalinga’y may usapin na. At sa totoo lang, ang salitang nakasulat o nakalimbag ang tradisyong kinikilala ng akademiya. Ang hakbang na pinagsisikapan ni Ms. Lisa White na mapasa ang mga pa-usal na saliga’y mahusay na batayan na dapat kilalanin ng mga manunulat, mananaliksik at mismong nasa akademya ng lalong mahikayat ang mga katutubo na magbahagi ng kaalaman para sa kagalingan ng mundo.
Ang pagkilala dito’y hindi nangangahulugan na kailangan ng bayaran, sa halip ang makapangalap ng mga lumang tradisyong na may gamit sa kasalukuyan ay mapakinabangan ni Mang Juan sa araw-araw nilang pamumuhay. At ang pagkilala’y nagbubunsod pa sa maraming katutubo na maglabas ng mga datos na may pakinabang sa bayan. Kung lumabas ang mga katutubo sa kanilang kinagawian at magbahagi ng kaalaman, nararapat na tapatan ito ng kinabukasan ng pagkilala sa paraan nitong pausal na malaki ang pakinabang.
Ang librarian na si Ms. Lorisia Macleod ng Alberta Library sa Edmonton, Alta Canada, binanggit nito na lumilikha at patuloy na pinagyayaman ang isang template, kung saan kinikilala ang mga saligang pausal na ginagamit ng ilang mag-aaral upang bigyan ng mukha ang mga nagawang pag-aaral na malaki ang ambag sa kanilang paaralan, at ngayo’y ginagaya’t sinusubukan pa ng 25 pamantasan sa Canada. Maraming datos ang naitala na nagpakita sa yaman sa kaalaman ang mga katutubo na pinanggalingan ng mga impormasyon.
Ang yaman sa karanasan ng mga katutubo’y kulang lang na maisulat dahil sa kalagayan nito sa mga kabundukan. Hindi salat sa kaalaman ang mga ito, ang uri lang ng paraan ng paghahayag ang kulang na siyang hinahanap ng taga patag. Ngayon may mga sumugal sa pagtatala ng mga pausal na saligan, hindi maglalaon ang mga ito’y maglalabasan sa mga darating na panahon, ang kaalamang tradisyon na galing sa mga ninuno. Iba man ito sa nakararami, ang kaalamang mapupulot dito’y tunay na may gamit.
Ang pagtugon sa mga kaalaman ng mga katutubo lalo sa bansa’y magbibigay daan sa mas maraming pakinabang sa bayan. Ang pausal nitong pamamaraa’y dapat at kailangan pagyamanin sa pamamagitan ng pagkilala sa kaalaman at gawing saligan ang pausal nitong paglalahad ng kaalaman. Mahalaga na bigyan pansin ang pag usal na paraan na paghahayag. Nasa mga mananaliksik ang bola kung paano ayusin ang paraan upang ang pagbabahagi ng katutubo ng kaalama’y makakalap ng walang hadlang. Angkupan ang kanilang nakagawian at kilalanin ang ambag na kanilang ibinahagi. Napapanahon na binigyan pagkilala ang mga tradisyunal na paraan ng pagpapahayag.
Ang pagbubukas ng mga nasa kalunsuran sa husay ng katutubo’y matagal na dapat kinilala. Kinakitaan na ang husay ng mga manunulat lalo sa mga folklore na minsang lumabas sa mga usapin sa silid aralan. Hindi bago ang pagbibigay ng mga datos ng katutubo, ang bago’y ang pagbibigay pagkilala sa pausal na paraan ng mga ito. Ang tamang pagdodokumento ang magbibigay daan na palakasin ang mga pausal na saligan na magdagdag kaalaman sa kasalukuyang panahon ng teknolohiya. Ang datos na ibabahagi ang magbibigay daan na mapabilis ang mga pagsasaliksik at mismong paggamit sa kagalingan ng mundo. Ang pagkilala sa kontribusyon ng mga katutubo sa mundo’y isang malaking hakbang sa pagbubukas ng malalim na pag-aaral sa lahat ng sangay ng buhay. Ang nasimulang pausal na sandiga’y tunay na landas sa maraming paglitaw ng maraming kaalaman na magagamit sa pag-unlad. Mabuhay ang mga nagsimula ng pagkilala sa mga pausal na saligan, dumami pa kayo..
Maraming Salamat po!!!