Advertisers

Advertisers

Si ‘OGIE V’ ng CIDG at mga gambling lord sa Quezon City

0 346

Advertisers

ISA sa mga polisiya ni General Dionardo Carlos sa pagsisimula ng kanyang termino bilang bagong pinuno ng Philippine National Police (PNP) ay ang patakarang “no take” mula sa kahit sinong tao na nagbibigay ng pera sa mga opisyal at kasapi ng pambansang pulisya bilang padulas.

Napakagandang patakaran na mismong hepe ng PNP ang nagdeklara at nag-anunsiyo sa midya ng patakarang walang tatanggap.

Dapat naman talagang walang tatanggap sa sinumang pulis mula sa kahit sinong tao, lalo na sa mga gambling lord at drug syndicate dahil labag ‘yan sa batas.



Maliban sa labag sa batas, masamang gawain na gamitin ang yuniporme at posisyon ng pulis upang kumita nang kumita mula sa padulas o lingguhang tara na nanggagaling sa mga taong iligal ang negosyo tulad ng iligal na sugal ng isang alyas “Jon Yap” sa Cavite.

Nakatitiyak akong kumbinsido si General Carlos na marami pa ring pulis na tumatanggap mula sa mga taong iligal ang negosyo o pinagkakakitaan kahit umaksyon ang pinalitan niyang hepe ng PNP na si retiradong General Guillerno Lorenzo Eleazar, kaya siya naglabas sa midya ng patakarang walang tatanggap.

Pokaragat na ‘yan!

Sa sobrang tagal na ni Carlos sa serbisyo sa pambansang pulisya, tiyak alam na alam niya ang mga nagaganap sa maraming yunit ng PNP, kabilang na ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at National Capital Region Police Office (NCRPO).

Sa ibang salita, hindi isinilang kahapon si Carlos sa mundo ng PNP.



Ang kasalukuyang hepe ng CIDG ay si Major General Albert Ignatius Ferro at ang pinuno naman ng NCRPO ay si Major General Vicente Danao Jr.

Kung babalikan ang kasaysayan ng no take policy sa PNP, marami nang hepe ng organisasyong ito ang nagsabi ng no take policy.

Ngunit, balewala rin dahil nagpatuloy ang garapalang lingguhang tara sa ilang opisyal.

Kahit sina Ferro at Danao ay hindi nasupil at napatigil ang tarang nanggagaling sa mga taong iligal ang negosyo.

Pokarapat na ‘yan!

Nagpapalit lang kolektor!

Nauunawaan n’yo?!

Nagpapalit lang ng kolektor!

Tulad halimbawa ng isiniwalat ng impormante ng BIGWAS! ukol sa impormasyong pinalitan na ng isang alyas “Ogie V.” si alyas “Brian C.” sa pagiging kolektor ng ilang korap na mga pulis sa CIDG.

Ayaw banggitin ng impormante ang pinaglipatang amo ni Brian C.

Basta, idiniin niyang si alyas Ogie V. na ang nakatoka sa koleksyon ng tara para sa mga korap na pulis sa CIDG.

Pokaragat na ‘yan!

Nakarating kaya kay Ferro ang impormasyong ito?

Tinuran ng impormante na matagal na rin sa iligal na gawain ang naturang alyas Ogie V.

Kaya, palagay ko mayaman na ang taong ito.

Puwede na siyang tumakbong kongresista o kinatawan ng isang party-list group.

Pokaragat na ‘yan!

Kung totoo ang patakaran ni General Carlos laban sa pagtanggap ng tara o padulas, paimbestigahan niya ang CIDG upang matumbok niya ang iligal na ginagawa ni alyas Ogie para mga korap sa CIDG.

Isa umano sa kinokolektahan ni alyas Ogie V. ang kampo ng jueteng lord sa Cavite na si alyas Jon Yap.

Paimbestigahan na rin niya ang muling paglarga ng operasyon ng illegal gambling sa Quezon City.

Ipinarating sa BIGWAS! ng impormante na muling inilarga ng isang alyas “Tisay” ang bookies sa lotteng.

Maging si alyas “Peryong” ay nailarga na ang bookies sa kanyang small town lottery (STL).

Kung uunawain, iisa lang ang ibig sabihin nito – pumayag na ang mga korap na pulis sa Quezon City na ibalik ang operasyon ng illegal gambling sa lungsod.

Pokaragat na ‘yan!

Ibig sabihin ba nito ay nakalusot sa direktor ng Quezon City Police District (QCPD) na si Brigadier GeneralAntonio Yarra ang iligal na negosyo nina alyas Tisay at alyas Peryong?

Mahigit isang buwan ang nakalipas, literal na tumigil ang iligal na sugal sa Quezon City, kabilang ang kina alyas Tisay at alyas Peryong, dahil ipinag-utos ni Danao sa buong National Capital Region (NCR) na tigil muna ang jueteng at mga “bookies” ng mga palaro ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) tulad ng STL, lotteng at Peryahan ng Bayan (PnB).

Ginawa ‘yan ni Danao upang hindi umano siya mahanapan ng ‘butas’ sa kanyang paghahangad na italaga ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang susunod na hepe ng PNP.

Napansin ng impormante na bumalik ang illegal gambling sa Quezon City makaraang matapos ang paligsahan sa pinakamataas na posisyon sa PNP.

Si Carlos ay nakatakdang magretiro sa Mayo 8, 2022, isang araw bago maghalalan.

Bago sumapit ang araw na ‘yan, kailangan munang magtrabaho nang magtrabaho si Carlos.

Kailamgan niyang ipagpatuloy ang ginawang paglilinis ni Eleazar sa PNP, sapagkat kulang na kulang ang anim na buwan upang matanggal ang katiwalian at korapsyon sa PNP.

Ngunit, kahit hanggang Mayo 8 lamang si Carlos ay dapat mayroon siyang magawa laban sa mga pulis na tumatanggap mula sa mga taong iligal ang negosyo.

Kaya, magandang unahin niya si alyas Ogie V. sa bakuran ni Ferro at ang QCPD ni Yarra upang magkaalaman kung sinu-sino ang tmatanggap at hind isa CIDG at QCPD.